Humabol pa sa Araw ng mga Patay ang apat na mag-iina matapos silang masawi nang ma-trap sa nasusunog na gusali na kanilang tinutuluyan sa Binondo, Manila noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na si Mary Grace Sundiya, 40; at mga anak niyang sina Herardo Jr., 5; Gerald Mark, 3; at Geralyn, isang taong gulang.
Nabatid na unang natagpuan ang magkakayakap na labi ng magkakapatid sa loob ng gusali habang nasa hindi kalayuan ang bangkay ng ginang na pinaniniwalaang nahulog sa hagdan.
Sa imbestigasyon ni FO3 Edilberto Cruz, ng Manila Bureau of Fire Protection (MBFP), nagsimula ang sunog dakong 10:56 ng gabi sa ikatlong palapag ng isang abandonadong gusali na tinutuluyan ng pamilya Sundiya sa panulukan ng Valderama at Muelle Dela Industria Streets sa Binondo.
Sinasabing mahimbing na natutulog ang mag-iina nang sumiklab ang sunog at hindi na sila nakalabas ng bahay dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng isang nakasinding kandila na napabayaan ng kapitbahay ang pinagmulan ng sunog at nadamay ang mahigit 50 bahay.