Ayon sa Times Higher Education, maraming a gobyerno sa mundo tulad ng Japan at Russia na ginawang prayoridad ang world-class universities sa kanilang administrasyon. Layunin ng Russia ang magkaroon ng limang unibersidad sa top 100 ng Times Higher Education World University Rankings pagsapit 2020. Ang Japan naman, naglalayon na magkaroon ng sampung unibersidad sa world top 100 sa 2023.

Ang ating bansa ay naglalayon din naman na makasama ang ilang unibersidad sa top 100. Kaya lamang, ayon sa pinakahuling datos ng Times Higher Education, wala ni isang unibersidad natin ang nakapasok sa top 400 man lamang. Paalala ng World Bank sa kanilang report tungkol sa higher education na may pamagat na The Road to Academic Excellence: The Making of World-Class Research Universities noong 2011. Ayon sa ahensya, ang developing countries, kasama na rito ang Pilipinas, ay dapat iwasan muna ang tukso ng pagtatag ng world-class university para lamang sa maaring kitain mula sa researches o para lamang makilala sa mundo. Ayon sa World Bank, hindi lahat ng bansa ay nangangailangan ng komprehensibong world-class universities, lalo na kung ang pundamental na pangangailangan ng tertiary education sa bansa ay hindi pa naman natutugunan. Maraming bansa ang mas nararapat na unahin at tutukan ang pag-papalago ng national universities.

Sa ating panahon ngayon na tila naghahanda na ang mga pulitiko sa eleksyon, ang pagtataas ng kalidad ng edukasyon sa state universities ang isa sa mga nakaliligtaang usapin. Napipintong magkaroon ng education gap ang marami nating unibersidad dahil marami sa mga eksperto at faculty sa iba-ibang larangan ay magreretiro na sa darating na panahon, at kakaunti lamang ang sumusunod sa kanilang yapak. Hindi matunog ang mga larangan ng physics, chemistry, agriculture o development at iba pang mga disiplina dahil malabong kumita ng malaki dito sa mabilis na paraan. Mahal din ang mga laboratory fees at matrikula para rito.

Kaya dapat sana maalala ng ating pamahalaan na sa gitna ng usapin ng korupsyon sa ating lipunan, bigyan din dapat ng espasyo ang usapin sa higher education sa ating bansa. Ito ay isang misyon tungo sa social justice.
Metro

Ginang, patay sa pananaksak ng kapitbahay na lasing