Sapagkat maaga akong nakatapos ng mga gawaing bahay, naisip kong mag-relax. Binuksan ko ang aming DVD player at isinalang ko ang pelikulang ipinahiram sa akin ng isa kong amiga. Mahusay ang pagganap ni Sharon Cuneta sa pelikulang Crying Ladies (2003, kasama sina Hilda Koronel, Angel Aquino, at Eric Quizon), lalo na sa bahagi na lantaran silang umiiyak at umaatungal sa lamay ng isang mayamang Chinese. Inupahan ang grupo niya upang umiyak. Doon ko na-realize na may ganoon palang hindi natural na paraan ng pagdadalamhati.

Sa bawat kultura, iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati para sa isang minamahal na yumao. Sa pelikulang aking napanood, may ilang lugar sa mundo na isang kostumbre na ang umupa ng mga taga-iyak upang ipakita ang pagdadalamhati. Sa iba naman, ang pagdadalamhati para sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay ay naipakikita sa magarbong rituwal. Dito sa atin, may ilan na umuupa ng banda habang nakaburol ang kanilang yumao.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa Mabuting Aklat mababasa natin na natural lamang na gawin ni Ezequiel ang iniutos sa kanyan ng Diyos nang pumanaw ang asawa nito. Sinabi ng Diyos sa kanya na ang kanyang asawa, ang “pita ng kanyang mga mata” ay biglang mamamatay. Ngunit inatasan siyang huwag lantarang magdalamhati, kundi manatiling tahimik.

Bakit inutusan ng Diyos si Ezequiel na gawin ang isang bagay na mahirap, waring hindi katanggap-tanggap at hindi rin natural? Nais ilarawan ng Diyos sa mga taga-Jerusalem na maaaring kunin Niya ang isang bagay na kalugud-lugod sa kanila – ang templo. Ipinahayag ni Ezequiel ang hatol ng Diyos sa Israel, sinabi na isusuko nila ang kanilang templo sa mga taga-Babylonia. Tulad ni Ezequiel, sinabihan silang magdadalamhati sila sa normal na paraan. Ang pagkadurog ng temploy ay magiging kahindik-hindik, at mag-uumapaw ang kanilang pagkalumbay, na hindi magiging sapat ang normal na pagpagdadalamhati. Inaasahan ng Diyos na susundin natin Siya. At kapag hindi natin Siya sinunod, kailangan nating magdalamhati. Seryoso ang kasalanan.

Panginoon, hindi ko po alam ang iba kong kasalanan. Ipakita Mo po ang mga iyon sa akin nang hindi ko na maulit. Humihingi po ako sa Iyo ng kapatawaran.