Sa kabila ng mga negatibong pangyayari sa kanilang koponan bago pa man sila sumalang sa aksiyon sa PBA D-League Aspirants Cup, nanatili pa ring optimistiko sa kanilang tsansa ang koponan ng Tanduay Light.

Hindi pa man nakalalaro, dalawang key player agad ang nawala sa kanilang line-up na kung tutuusin, ayon kay coach Lawrence Chongson, ay pwedeng maging dahilan upang hindi na nila ipagpatuloy ang paglahok sa liga.

“Nakalulungkot, actually parang nakakatamad na, kasi after noong kay Paul Lee, eto na naman, panibagong kontrobersiya,” ayon kay Chongson na nagbiro pa na parang siya ang hinahabol ngayon ng kontrobersiya matapos ang nangyaring gusot nila ng Rain or Shine sa kontrata ng kanyang alagang si Lee.

Unang nawala sa Tanduay ang kanilang first round pick na si Chris Newsome dahil umano sa kabiguan nilang mabigyan ng offer sheet kaya’t napunta ito sa koponan ng Hapee Toothpaste.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sumunod naman at kasalukuyang nasa gitna pa ng pag-aagawan nila ng Far Eastern University (FEU) ang kanilang dating forward na si Mark Belo.

Ngunit ayon kay Chongson, hindi sapat ang mga nasabing kadahilanan para sila umayaw at sumuko dahil may natitira pa naman silang mga manlalaro.

Sa katunayan si Chongson, maging ang kanyang mga player na karamihan ay binubuo ng mga dati at kasalukuyang manlalaro ng University of the East (UE), kahalintulad nina team captain Lucas Tagarda, Roi Sumang, Gino Jumao-as, Andrian Santos at Ronnie de leon, ay optimistko rin sa kanilang tsansa.

“Maganda naman ang tinatakbo ng team, actually naging madali ‘yung team bonding kasi nga karamihan sa amin mga dati at present players ng UE,” ayon kay Tagarda.

Naniniwala naman ang kanilang mga beteranong kakampi at dating pro-cagers na naghahangad na muling magkaroon ng pagkakataong makabalik sa pro-league na sina Jaypee Belencion at AJ Mandani na makaaani rin sila ng magandang tagumpay.

“We can compete with anybody as long as we play as a team,” ayon sa dating Globalport player na si Mandani.