Laging sinasabi ng isa nating kapatid sa media na siya ay nag-aatubili sa pagtungo sa sementeryo kung Undas. Hindi dahil sa ayaw niyang masilayan ang puntod ng kanyang mga magulang at iba pang kamag-anak, kundi dahil sa katotohanan na ang kanyang pinakamamahal sa buhay ay hindi nalibing sa sementaryo kundi sa karagatan; kabilang siya sa libu-libong pasahero ng isang dambuhalang barko na lumubog sa dagat dahil sa malagim na kalamidad maraming taon na ang nakalilipas.

Ang pangitaing ito ay laging sumasalimbay sa kanyang gunita, kaakibat ang pagpupuyos ng kalooban sapagkat hindi pa nalalapatan ng katarungan ang kanyang mahal sa buhay. Hanggang ngayon ay tiyak na biling-baligtad pa sa kanyang kinaroroonan. At tiyak na ganito rin ang nadadama ng iba pang kapatid natin sa media na buong-kalupitang pinatay sa nakakikilabot na Maguindanao massacre.

Mahigit na 30 mamamahayag ang sabay-sabay na pinagbabaril at tinabunan sa isang madawag na kagubatan sa pamamagitan ng isang backhoe. Dahil sa usad-pagong na paggulong ng hustisya, ang mga naulila nating mga kapatid sa propesyon ay patuloy na nag-aalab ang kalooban; kinukondena ang katarungan na tila binubulag ng salapi at kapangyarihan.

Totoo na ang ilang suspek ay nakakulong at patuloy namang nililitis ang mga asunto. Subalit hanggang kailan maghihintay ang mga biktima ng karumal-dumal na masaker na tiyak ding nagbibiling-baligtad sa kanilang libingan. Kabilang na rito ang iba pa nating kapatid sa media na wala ring awang pinaslang dahil sa pagtupad ng isang makabuluhang misyon; tulad ng isang haligi ng peryodismo – si Bubby Dacer – na pinatay at sinunog pa ang bangkay sa utos umano ng tampalasang makapangyarihan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi marahil kalabisang banggitin na ako man ay nag-aatubili rin sa pagdalaw sa libingan ng aking kapatid na biktima ng tinaguriang ‘noon-time massacre’. Siya at tatlong iba pa ay pinaslang sa utos ng isa ring buhong na lingkod-bayan.

Habang tayo ay umaasam pa rin ng katarungan, ipagpamisa na lamang natin ang kaluluwa ng ating mahal sa buhay.