Bahagyang pinakaba ng baguhang MJM Builders-FEU ang Cagayan Valley bago nakaungos ang huli para maiposte ang unang panalo, 94-86, kahapon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Buhat sa 13-puntos na pagkakaiwan sa pagtatapos ng third quarter, 62-75, nakuha pang dumikit ng MJM Builders at natapyas ang kalamangan sa 5 puntos ng dalawang beses sa final period, ang pinakahuli ay sa iskor na 83-88, matapos ang isang basket ni Glenn Khobuntin, may 1:51 pang nalalabi sa oras.

Ngunit hanggang doon na lamang ang inabot ng kanilang paghabol dahil naglatag ang Rising Suns ng 6-0 run para ganap na selyuhan ang tagumpay bago ang huling basket ng MJM na isang 3-pointer na galing kay Paolo Javelona.

Hindi nakarating para sa Cagayan ang kanilang top pick sa nakaraang draft na si Moala Tautuaa na kasalukuyan pang naglalaro sa Asean Basketball League para sa Malaysia Dragons habang hindi naman naglaro para sa MJM ang pinag-aagawan nila ng Tanduay Light na si Mac Belo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay assistant coach Nonoy Bonleon, Nobyembre 16 pa nila inaasahan ang pagdating ng Fil-Tongan kung hindi papasok ang kanilang koponan sa finals.

Tumapos na top scorer para sa Cagayan Valley si Michael Mabulac na nagtala ng 20 puntos at 13 rebounds habang nag-ambag naman sina Alexander Austria, Celedonio Trollano at Andrian Celada ng 13, at tig-12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna naman para sa Builders si Cris Tolomia na nagposte ng 15 puntos habang nagtala ng double-double si Raymar Jose na may 12 puntos at 15 rebounds.

Mula sa dikit na laban sa pagtatapos ng first quarter, 26-24, pabor sa Rising Suns, unti-unti silang kumalas sa huling tatlong minuto ng ikalawang quarter matapos maglatag ng 11-5 run na sinimulan at tinapos ni Alexander Austria para sa 51-42 bentahe sa halftime.

First half pa lamang ay malapit nang mag-double-double si Jose Rizal University (JRU) power forward Michael Mabulac makaraang magposte ito ng 10 puntos at 7 rebounds, ang 8 dito ay isinalansan niya sa second period kung saan pinamunuan nila ni Andrian Celada ang opensa ng Rising Suns sa iniambag na 9 puntos ng huli.