MALAKING KARANGALAN ● Ikinararangal ng bawat Pilipino ang maluklok ang isa sa 7,107 isla ng Bayang Magiliw, bilang World’s Top Island ng mga mambabasa ng CN Traveler magazine. Dapat pa bang pagtakhan ito? Maraming lugar sa ating bansa ang nagpapatupad ng matinding disiplina upang mapanatili ang kariktan ng mga likas na yaman, tulad halimbawa sa Subic, Baguio City, Davao, Cebu, atbp. Kahit simpleng lambak, burol, bundok, at dalampasigan sa ating mga lalawigan ay matituturing paraiso.

Ang Palawan ay hindi pa rin napupuntahan ng mga “mananakop” (matinding komersiyo at kaunlaran); ni wala pa ritong sangay ng mga tanyag na hotel sa daigdig at hindi pa nalulusob ng mga turista na kung magsidatingan sa bansa ay langkay-langkay. Sa Puerto Princesa pa lamang, matatagpuan na ang makalaglag-pangang lawa, dalampasigan, mga bundok, at ang naging tanyag at nakamamanghang underground river. Mahirap din namang paniwalaang naungusan ng Palawan ang mga islang matagal nang umuokupa ng pinakarurok ng kasikatan tulad ng Hawaii at ang Maui. Napalumpo rin ng Palawan sa kagandahan ang Kiawah Island sa Amerika na pumangalawa. Sa totoo lang, hindi mo na kailangang gumastos ng napakalaki upang pumunta sa Vatican City makita lamang ang ipininta ni Michael Angelo sa kisame ng Sistine Chapel; pumunta ka na lang sa palawan upang makita ang paraisong ipininta ng Diyos.

WAGI SA BUHAY ● Nagwagi ang supertyphoon Yolanda sa pagsira ng maraming buhay at ari-arian sa Visayas. Ngunit ang malaking kabiguan na sirain ni Yolanda ay ang diwa ng ating mga kababayan na tuminding at ipagpatuloy ang kanilang buhay. Ipinakita ito ng mga bata na naapektuhan ni Yolanda sa Kalibo, Aklan sa pakikipagtagisan nila ng galing at lakas sa larangan ng sports. Ayon kay Atty. Jolly Gomez, commissioner ng Philippines Sports Commission (PSC) kabilang ang tinatawag na Tacloban Girls na matagumpay na nakakuha ng gold medals sa athletics. Nasa Aklan si Gomez upang personal na subaybayan ang pag-host ng lalawigan sa Batang Pinoy Qualifying Match-Visayas Leg. Aniya, ang mga batang nagwagi ay yaong sumasailalim sa training at muntik nang mamatay nang biglang humagupit si Yolanda; nagtago lamang ang mga ito sa ilalim ng boxing ring kaya sila nangaligtas. Ngayon bumibida na ang Batang Pinoy-Visayas, at malamang na sila ang “bagyo” sa championships sa Disyembre.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente