Niregaluhan ng aking amiga kong kapitbahay ang kanyang limang taong gulang na anak na babae na si Mia ng isang cute at pink na bisekleta dahil birthday nito. Ngunit ang bisikletang nabili niya ay yaong walang balance support sa hulihang gulong. Ibig sabihin, kailangang turuan ang si Mia na magbisekleta. Halos araw-araw sumasampa si Mia sa bisikleta at inaalalayan ito ng kanyang ina. Dahil likas namang matalino ang anak ng aking amiga, medyo nakukuha na nito kung paano balansehin ang katawan sa umaandar na bisekleta. Paminsan-minsan, dala ng kasabikan at pangamba, sumisemplang ang bata lalo na kapag lumiliko.
“Kaya mo ‘yan,” sabi ng kanyang ina. Naroon din ang ilang kalaro nito na na nakabisekleta rin. “Kaya mo ‘yan!” sabi ng mga kalaro ni Mia. Kaya sampa uli ang bata sa bisikleta at sinikap na magbalanse habang umaandar. At sa tuwing matutumba ito at magagalusan, itinatayo uli ng kanyang ina o ng kanyang mga kalaro at patuloy nilang sinuportahan ito sa pagsasabi ng “Kaya mo ‘yan!”
Kalaunan, bunga ng pagtatayo sa kanya tuwing tutumba, sa walang humpay na panghihikayat at pagbibigay ng pag-asa ng kanyang ina at mga kalaro, natuto ring magbisekleta si Mia.
Kailangan ng lahat ng mananampalataya kay Jesus ng mga panuto at panghihikayat. Habang sinisikap nating alisin o iwaksi ang mga lumang habit at pinag-aaralan ang mga bagong paraan ng pag-iisip at pagkilos, maaaring madalas din tayong matumba at magalusang tulad ni Mia. Sa pagkakataong iyon natin kailangan ang panghihikayan ng iba pang Kristiyano na mas “hinog” na sa pananampalataya.
Ayaw ng mga bagong mananampalataya ang taong nag-aakusa o humuhusga sa kanila dahil “bago pa lamang silang sumasampa sa bisikleta”... at hindi dapat silang pagtawanan sa kanilang “pagkakatumba”.
Panginoong Diyos, tulungan Mo po kaming maging mahusay na tagapanghikayat. Magunita nawa namin ang mga salita ni San Pablo na kami rin ay mahihina at lumalagapak sa lupa. Tulungan mo po kaming buhatin ang kahirapan ng aming mga kapatid kay Jesus. Amen.