Mahirap paniwalaan, at may mga magtataas pa ng kilay, kapag sinabi kong pagpapala at hindi kabiguan ang sinapit ko sa halalan noong 2010, kung saan natalo ako bilang kandidato sa pagka-pangulo. Sa industriya ng real estate, karaniwang naririnig ng mga tumitingin sa mga proyekto ng iba’t ibang developer ang terminong “master-planned subdivision or community”. Ginagamit ng mga developer ang terminong ito upang ipakita sa mga kliyente na ang iniaalok na bahay ay bahagi ng proyektong master-planned, na ang ibig sabihin ay maingat at masusing pinagplanuhan at isinakatuparan upang tiyakin na ang mga nais bumili ay maninirahan sa isang komunidad na ligtas, komportable at progresibong kapaligiran.
Noong matapos ko ang pangalawang termino sa Senado noong 2013, na siya ring nagwakas sa 21 taong paglilingkod sa bayan bilang halal na opisyal, naramdaman ko na patungo ako sa isang “master-planned environment,” kung saan naroon ang lahat ng sangkap para sa pagtatagumpay. Nagunita ko ang naipahayag ko sa isa sa mga nakaraang pitak, na ngayon ang pinakamagandang panahon para magnegosyo sa Pilipinas. Ang mahigit 10 milyong manggagawang Pilipino sa ibang bansa ay kumakatawan sa malaking bahagi ng mga bumibili ng tahanan. Ang paglago naman ng industriya ng business process outsourcing (BPO) ang lumilikha ng malakas na demand sa mga gusaling pang-opisina. Sa katunayan, may mga malalaking kumpanyang BPO ang umuupa. Ang Pilipinas pa rin ang inaasahang mangunguna sa paglago ng ekonomiya sa mga bansang kaanib sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at pangalawa lamang sa China sa buong Asia.
Ang aking kumpanya, ang Vista Land & Lifescapes, Inc., ay isa sa maraming kumpanyang Pilipino na nakikinabang sa magandang kalagayan ng ekonomiya. Sa unang bahagi ng 2014, kumita ito ng P2.8 bilyon, mas mataas ng 12 porsyento kaysa P2.5 bilyon na kinita noong isang taon. Ang Vista Land, na may land bank na halos 2,000 ektarya, ay nasa estratehikong posisyon upang makinabang sa mga oportunidad sa larangan ng pabahay. Sa mga pangunahing kumpanya sa real estate, ang Vista Land ang pinakamalaganap; ang mga proyekto nito ay nakalatag sa 34 lalawigan at 74 lungsod at munisipalidad. Sa aking pananaw, ang kabiguan ko sa halalan noong 2010 ay hindi isang kabiguan. Pakiramdam ko nga ay masuwerto pa ako.