Kapanalig, taun-taon, libulibong kababayan natin ang tumutungo sa ibang bansa upang maghanap ng hanapbuhay. Ito ay sa kabila ng katotohanang kailangan nilang lumayo sa kanilang mga mahal sa buhay bunga ng sa kanilang pamilya. Ito, ayon kay Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang dahilan kung bakit napipilitan ang mga kapatid nating maghanap-buhay sa ibang bansa.
Ayon nga kay Cardinal Tagle, “De facto, there is separation of couples and separation of parents from their children. But not because they could not stand each other, not because there is a breakdown in communication, not because of conflicts. They get separated because they love each other.”
At ang pagmamahal na ito ang siya ring nagdudulot ng sugat sa mga puso ng bawat pamilyang Pilipino na naghihiwalay sa ngalan ng kanilang pag-ibig sa bawat isa. Sa kasalukuyan, aabot sa bilang na 2.56 milyong mga Pilipino ang may at least isang miyembro na OFW.
Ngunit hindi na kaila sa atin ang maraming isyu at problema na kinakaharap ang mga OFW lalo pa at nasa teritoryo sila ng mga dayuhang bansa. Katulad na lamang ngayon ng nagaganap sa Iraq, Lebanon, Syria at Turkey kung saan ay nakataya ang buhay ng mga OFW. Ayon kay Pope Benedict XVI sa kanyang catholic social teaching, “Caritas in Veritate”, pinaaalalahanan niya ang lahat ng pamahalaan na sa kasalukuyang penomenon ng pangingibang bansa ng mga tao upang makahanap ng trabaho, nagkakaroon ito ng malaking epekto sa sikolohikal at ispirituwal na aspeto ng mga mamamayan. Dahil dito, ang hamon ni Pope Benedict XVI ay ang panatilihin ang pangangalaga sa kapakanan at integridad ng bawat tao dahil ang tunay na kapital na kailangang isulong ay hindi pera, kung hindi ang tao at kanyang buong pagkatao mismo.
Ito rin ang panawagan ni Cardinal Tagle, na pangalagaan ang interes lalo ng bawat pamilyang naaapektuhan dahil sa paglayo ng mga OFW. Nawa’y patuloy din sana na siguraduhin ng ating pamahalaan na ligtas at nasa mabuting kalagayan ng mga OFW – ang mga tunay na bayani ng ating ekonomiya.