Napanatili ng Philippine Army (PA) na malinis ang kanilang kartada sa pagtatapos ng eliminasyon sa unang round ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference makaraang gapiin ang PLDT Home Telpad, 29-31, 25-19, 25-16, 25-18, sa FilOil Flying V Arena noong Huwebes ng gabi sa San Juan City. 

Matapos mabigo sa dikdikang laban sa first frame, nag-adjust ang Lady Troopers at winalis ang sumunod na tatlong frames upang makamit ang kanilang ikatlong sunod na panalo.

“Walang laro si Nene (Bautista) at si Rachel (Daquis), hindi makagalaw kaya nahirapan kami sa first set,” pahayag ni Army coach Rico de Guzman. 

“At saka nahirapan din kami kay Dindin (Santiago) kasi hindi pa rin siya talaga nakakapag-adjust, silang dalawa ni Mina (Aganon),” dagdag pa ni De Guzman tungkol sa kanilang laro.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Aniya, hindi pa rin kabisado nang husto ng dalawang dating National University (NU) standouts, partikular si Santiago, ang kanilang laro dahil hindi naman nakakadalo ang mga ito ng regular sa kanilang ensayo dahil na rin sa commitment ng mga ito sa kanilang mother team na Petron sa Philippine Super Liga. 

“Hindi pa rin niya (Dindin) alam kung kailan at saan siya papasok at lalabas,” paliwanag pa ni De Guzman.

Sa kabila nito, si Santiago pa rin ang tumapos na top scorer para sa Lady Troopers sa itinala nitong 19 puntos na kinabibilangan ng 14 hits at 4 blocks. 

Sinundan naman siya ni Jovelyn Gonzaga na nagposte ng 17 puntos, kabilang dito ang 14 na hits at 2 service aces.

Sa kabilang dako, namuno naman sa Turbo Boosters, na nalaglag sa barahang 1-2 (panalo-talo) para sa solong ikatlong puwesto kasunod ng pumapangalawang Cagayan Valley (2-1), si Suzanne Roces na nag-iisang nakapagtala sa kanilang koponan ng double digit sa kanyang iniskor na 11 puntos. 

Una rito, nagtala ang dating University of Santo Tomas (UST) standout na si Salvador Depante ng 26 puntos na kinabibilangan ng 20 hits at 5 blocks upang pangunahan ang Systema Tooth and Gum Care sa paggapi sa Rizal Technological Institute (RTI), 25-18, 22-25, 25-17, 25-22. 

Dahil sa panalo, sumalo ang Systema sa liderato sa men’s division sa Instituto Estetica Manila na taglay ang barahang 2-1 (panalo-talo). 

Ang kabiguan ang ikalawa naman para sa Blue Thunders sa loob ng tatlong laro.

“Buti nag-step-up sila kasi hindi nakalaro si Antonio,” pahayag ni Active Smashers coach Arnold Laniog patungkol kina Depante at dating St. Benilde standout na si Angelo Espiritu na nag-ambag naman ng 19 puntos  na siyang nagpuno sa puwang na naiwan ng kanilang top hitter na si Christopher Antonio na hindi nakalaro dahil ‘di makaliban sa kanyang trabaho.