Nina MARY ANN SANTIAGO at CHARISSA M. LUCI
Isang maling hakbang umano sa panig ng mga kaalyado ni Pangulong Noynoy na ipa-impeach si Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), posibleng makuha uli ni Binay ang simpatiya ng mga Pilipino kung maisasalang ito sa impeachment proceedings.
Ipinaliwanag ni Cruz na bagamat bumaba ang rating ng Bise Presidente sa mga nakalipas na survey dahil sa pagkakasangkot nito sa overpriced Makati car park building at ang pagkakaungkat ng Hacienda Binay sa Batangas ay tiyak na muling aangat ang popularidad nito sakaling matuloy ang impeachment.
“Huwag silang magkamaling gawin iyan, i-impeach ang bise presidente, lalong sisikat iyan, politically it is a wrong move,” pahayag ni Cruz sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala rin si Cruz na ang impeachment sa ngayon ay hindi na isang ethical process kundi political process lalo pa at ang pagdedesisyon sa kaso ay ibinabase sa dami ng kaalyado at hindi sa bigat ng mga akusasyon.
Samantala, itinanggi naman ng isang opisyal ng Liberal Party na ang partido ang nasa likod ng sinasabing demolition job laban sa Bise Presidente.
Sinabi ni Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento, LP Secretary General, na masyado pang maaga para pag-usapan ang 2016 elections at trabaho muna ang focus ngayon ng mga miyembro at opisyal ng LP.
“Given these paramount concerns, this is not the time for the Liberal Party, much less our leadership, to occupy ourselves with posturing for the 2016 elections. While we are one with the Filipino people in our desire for the truth as regards those who have allegedly engaged in corrupt practices, we also remain one with the President in implementing his reform agenda, and in serving the people,” saad sa pahayag ni Sarmiento.
Wala pang opisyal na posisyon ang LP sa panukala ni Caloocan Rep. Edgar Erice na patalsikin sa puwesto si Binay.