Isang bogus na pulis at dalawang kasamahan nito ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang checkpoint sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni QCPD officer-in-charge Senior Supt. Joel Pagdilao ang mga naaresto na sina Rodel Tojoy, 24, security guard at residente ng Purok 3, Barangay Turbina, Calamba, Laguna; Venjamin Ybanez, 19, ng Bgy. Matandang Balara, Quezon City; at Kevin Ebasabal, 27, ng San Mateo, Rizal.

May gupit na “crew cut,” nagpakilala si Tojoy bilang pulis nang siya at dalawa niyang kasamahan, na kaangkas ng sekyu sa itim na Rusi motorcycle, ay sitahin ng mga tauhan ng Galas Police Station sa Barangay Don Manuel dakong 12:35 ng madaling araw.

Habang kinukuwestiyon ng awtoridad, nagtangka umanong tumakas ang tatlo subalit inabot din ng pulisya sa Dr. Lazcano Street sa Bgy. Laging Handa.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nang kapkapan, nabawi kay Tojoy ang isang .38 caliber revolver na may limang bala, isang pares ng posas, at isang itim na jacket na may tatak na “PULIS.” - Francis Wakefield