KAHIT na ipaubaya pa sa Liberal Party (LP), o sa alinmang grupo na kaalyado ng administrasyon ang pagpapasiya sa roxas-aquino tandem para sa 2016 presidential polls, hindi ako naniniwala na may mararating o magkakaroon ng positibong resulta ang naturang isyu. Wala akong makitang lohika sa pagtatambal ng naturang mga haligi ng LP, lalo na kung kakailanganin pa ni Presidente aquino na bumaba sa pagka-vice president upang makatambal lamang ni DILG Secretary Mar roxas sa naturang halalang pampanguluhan. Nanaisin pa kaya ng Pangulo na kumandidatong vice president samantalang narating na niya ang pinakamataas na tungkulin sa bansa? Hindi ba ang pagkandidato sa mas mababang puwesto – tulad ng nakagawian ng ibang pulitiko – ay nangangahulugan ng kasakiman sa kapangyarihan? Hindi ba ang pagtakbo ng Pangulo bilang vice president – kung sakali man – ay kakasangkapanin lamang ng kanyang mga kaalyado upang makatiyak ng kanilang panalo?

Pati ang sinasabing pagkandidato ng Pangulo para sa kanyang second term ay hindi katanggap-tanggap. ang ganitong mga pananaw ay produkto lamang ng malilikot na imahinasyon ng mga nakapaligid sa kanya na maaaring nangangambang maputol ang tinatamasang mga biyaya kung sakaling matapos ang paghahari ng kasalukuyang administrasyon.

Manapa, matindi ang aking paniniwala na laging nakaukit sa isipan ng Pangulo ang mga simulaing ipinaglaban ng kanyang mga magulang – sina Presidente Cory aquino at Senador Benigno S. Aquino, Jr. - tungkol sa pakikilahok sa isang marangal at malinis na pulitika. Laging binibigyang-diin ng yumaong Pangulo na tinaguriang ‘icon of democracy’ ang paglaban sa mga pulitiko na masakim sa kapangyarihan. Ang simulaing ito ay walang kagatul-gatol na inihayag ni President Cory sa kanyang mga kaalyado na dumalo sa gridiron night ng National Press Club, maraming taon na ang nakalilipas. Sa presidential table na kinaroroonan ng naturang mga lider, ipinahiwatig niya ang kanyang mahigpit na pagtutol sa kanyang reeleksiyon o term extension. Naniniwala ako na ito ang magiging batayan ni Presidente aquino sa walang katapusang pambubuyo ng kanyang mga kaalyado. Hindi niya ito kakagatin, wika nga – hindi kailanman.
National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras