BAYOMBONG, Nueva Vizcaya - Tinututulan ng mga katutubo ang patuloy na operasyon ng dalawang minahan sa Nueva Vizcaya, kaya naman nagsagawa sila kamakailan ng kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Sawa na kami sa inyong mga pangako na wala namang nangyayari, at ayaw na rin namin ng proyekto. Ang gusto namin ay umalis na kayo at igalang ang aming karapatan at desisyon bilang mga katutubo,” giit ng mga raliyista.
Hiling ng Alyansa ng Nagkakaisang Novo Vizcayano para sa Kapaligiran (ANNVIK) na itigil ng Oceana Gold Philippines, Inc. (OGPI) at FCF Minerals Corporation ang operasyon ng mga ito sa mga barangay ng Didipio at Runruno sa Kasibu at sa bayan ng Quezon, dahil nakasisira umano sa kapaligiran.
Napaulat na una nang tinuligsa ni Gov. Ruth Padilla ang OGPI sa hindi umano pagbabayad ng nasa P91-milyon buwis sa gravel and sand simula pa noong 2012.