Nasa kustodiya na ng awtoridad ang isa pang pulis na sangkot umano sa isang insidente ng “hulidap” sa EDSA sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP- CIDG) Director Chief Supt. Benjie Magalong na kusang sumuko sa CIDG si Senior Insp. Oliver Villanueva, kasama ang kapatid at abogado.
Hinimok ni Magalong si Villanueva na sumuko para malinis ang pangalan nito.
Napag-alaman na si Villanueva ang itinuturong “utak” sa hulidap sa EDSA, Mandaluyong noong Setyembre 1.
Tinangkang kapanayamin ng media si Villanueva subalit sinabi ni CIDG spokesperson Chief Insp. Beth Jasmin na hiniling ng kampo ng pulis na hindi muna ito makapanayam, sa payo ng abogado nito.
Nabatid na wala pang naisasampang kaso laban kay Villanueva, subalit inilagay muna siya sa restricted custody ng CIDG sa Camp Crame.
Tiniyak naman ni Jasmin na dadalo ang sumukong pulis sa preliminary investigation sa Mandaluyong Prosecutor’s Office.