Kasabay nang paggunita ng Elderly Filipino Week, pinayuhan kahapon ng Department of Health (DoH) ang mga senior citizen na tiyakin na mayroon silang regular na ehersisyo upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Kasunod nito, inilunsad na rin ng DoH ang isang “dancercise” sa Mall of Asia sa Pasay City, na nilahukan ng may 2,000 senior citizen na nakisayaw kasama si Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag.

Ang naturang dancercise ay may temang “Walk for Life: Ang Nakatatanda ay Yaman, Katuwang sa Pag-unlad ng Bayan, Pangalagaan Kanilang Kapakanan.”

Layunin ng programa na gawing health conscious ang mga nakatatanda.

National

Sen. Francis Tolentino, nagpahayag ng suporta sa 'National Rally for Peace'

Ayon kay Tayag, maraming senior citizen ang nakukuntento na lamang na laging nasa loob ng kanilang bahay, ngunit ang marapat aniya ay maging aktibo pa rin ang mga ito para mapanatili ang magandang kalusugan.

Ang pagsali, aniya, sa mga exercise routine tulad ng paglalakad o pagsasayaw ay makatutulong para rin makaiwas sa sakit.

Kahit pa man aniya may mga iniindang sakit gaya ng diabetes o mataas na cholesterol at iba pa, ay may mga ehersisyo naman na maaaring regular na gawin.

Mas mabuti aniyang makipag-ugnayan sa kanilang mga doktor para malaman kung anong mga uri ng exercise ang maaari nilang gawin.

Bukod naman sa pagkakaroon ng regular na ehersisyo, dapat din umanong maging maingat lalo ang mga nakatatanda sa pagpili ng pagkain at tiyaking masustansiya ang kanilang mga kinakain.

Nabatid na isa lamang ang dancercise sa iba’t ibang programa na inihanda ng DOH para sa isang linggo na selebrasyon ng Elderly Filipino Week.

Bukod sa dancercise, nagalok din ang DoH ng libreng health services tulad ng bone scanning, random blood sugar testing, cholesterol testing, free pneumococcal vaccines at medical consultation.