May 22, 2026

Home BALITA National

Trillanes, kinumpirma pagsuporta ng Magdalo kay Sen. Risa sa 2028!

Trillanes, kinumpirma pagsuporta ng Magdalo kay Sen. Risa sa 2028!
Photo courtesy: Antonio Trillanes IV (FB), Senate of the Philippines (FB)

Opisyal na kinumpirma sa publiko ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang pagsuporta ng samahan nilang Magdalo para kay Sen. Risa Hontiveros sa posisyon ng pagiging Pangulo sa susunod na eleksyon. 

Ayon sa naging panayam ng News Watch Plus Ph kay Trillanes nitong Huwebes, Marso 26, sinabi niyang nakapagpasiya na raw silang si Hontiveros ang kanilang susuportahan. 

“Kami po, ‘yong aming grupo, ‘yong Magdalo ay nakapagpasya na si Senator Risa ang susuportahan namin,” pagsisimula niya. 

Ani Trillanes, bukas pa rin naman daw silang makiisa sa prosesong gagawin ng middle forces ngunit si Hontiveros daw ang kasalukuyan nilang napupusuan. 

“Ngayon, kung ano man ‘yong prosesong gagawin no’ng middle forces ay willing naman kaming lumahok pero ang preference namin sa ngayon ay si Senator Risa Hontiveros,” aniya. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Paglilinaw ni Trillanes, hindi pa naman daw sila nagpapasiya kung sino ang susuportahan nilang ka-tandem ni Hontiveros. 

“Wala pa kami punto na ‘yon but siya na po ang napagpasiyahan,” saad niya. 

Pagpapatuloy ni Trillanes, mga ilang linggo na rin daw ang lumipas nang mapagdesisyunan nila ito ngunit kung sakali man daw na may mapiling iba ang middle forces na kandidato at pumayag si Hontiveros dito, ang desisyon daw ng senador ang kanilang susuportahan. 

“‘Yon na po ang napagdesisyunan a few weeks back pero open pa rin naman ‘yong grupo ng mag-submit sa proseso na gagawin,” ‘ika niya. 

“Para kung ang mapili ay iba at pumayag naman si Senator Risa doon sa proseso na ‘yon ay we will submit to the process,” pagtatapos ni Trillanes. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na reaksyon o tugon si Hontiveros kaugnay rito. 

Matatandaang nauna nang sabihin ni Hontiveros noong Pebrero 9, 2026, na sinabi “open” at “willing” pa rin daw siyang tumakbo sa nasabing posisyon kung pipiliin daw siya ng United Opposition.

Ani Hontiveros, intensyon daw kasi niyang mag-alok ng pinakamalakas at mapagkakatiwalaang kandidato sa paparating na halalan at susuportahan din niya kung sinoman ang mabubuong “slate” o team na makakasama niya sakali sa United Opposition.

KAUGNAY NA BALITA: 'I remain willing! Sen. Risa, nananatiling bukas tumakbong Pangulo sa Halalan 2028!

Kaugnay nito, matatandaan namang pormal na inanunsyo ni Vice President Sara Duterte noong Pebrero 18, 2026, ang opisyal niyang pagtakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa paparating na Halalan 2028.

Pangako ni VP Sara, ilalaan daw niya ang kaniyang buhay, lakas, at “future” o hinaharap para magserbisyo sa bansa sa halip na lumuhod at humingi ng kapatawaran dahil sa pagtulong umano niya noon na mahalal sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Risa, bukas maging standard bearer ng oposisyon sa 2028