Ni BEN ROSARIO
Sinuportahan ng ilang kongresista ang panukalang 10-hour, four-day work week scheme na inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) bilang solusyon sa lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ito ay matapos mabatid na ipinatutupad na ng Kamara ang parehong work schedule sa nakalipas na halos dalawang dekada at itinuturing na epektibo ito.
Inihain ni Quezon City Rep. Winston “Winnie” Castelo ang House Bill 1278 o “Four Day Work Week Act” at tiwala itong susuportahan ng mga lider ng Kongreso ang kanyang panukala matapos itong aprubahan ng CSC.
Bukod sa sinasabing posibleng solusyon sa pagsisikip ng trapiko, sinabi ni Castelo na makatitipid din ang pribado at pampublikong sektor sa panukalang 4-day, 10-hour work week. Mas mahaba rin ang maigugugol na oras ng mga empleyado sa kanilang pamilya kapag naisabatas na ang HB 1278.
Hindi, aniya, mababago ng panukalang 10/4 work week ang tradisyunal na 40 oras na trabaho kada linggo.
Unang inihain ni Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang panukala noong 2011 subalit nilangaw ito sa Kamara.
Muling inihain ng Quezon City solon ang panukala noong 2013 sa paniniwalang ito aani na ito ng suporta mula sa kanyang mga kapwa kongresista.
Inaprubahan din ng CSC ang isang resolusyon na oobliga sa mga kawani ng gobyerno na magtrabaho mula 8:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, na may isang oras na lunch break.