GENERAL SANTOS CITY- Isang lasing na fire officer ang nakakulong ngayon matapos barilin umano ang girlfriend nito dahil sa matinding selos sa loob ng parking lot ng isang shopping mall sa siyudad na ito noong Linggo ng gabi.

Agad na sumuko si SFO4 Virgilio Tobias, ng Malapatan Municipal Fire Station sa Sarangani Province, kay City Firemarshall Renel Belonio na rumesponde sa Veranza Mall sa J. Catolico Avenue matapos malaman ang insidente.

Ayon kay Senior Insp. May Grace Licuanan, hepe ng Police Station 6, lasing umano si Tobias nang dumating sa mall parking area lulan ng isang owner-type jeep dakong 8:50 noong Linggo ng gabi kasama ang kanyang girlfriend na si Mary Grace Calong.

Matapos ang ilang minuto, nakarinig ng dalawang putok ng barl ang mga mall security guard at nakita si Calong na tumatakbo papalayo sa lugar na may tama ng bala sa binti.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ilang beses na nagpaputok uli si Tobias kaya tinamaan ng ligaw na bala ang dalawa pang sasakyan na nakaparada sa lugar.

Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Joint Task Force Gensan sa lugar at agad na pinasuko si Tobias.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Sarangani Board Member Virgilio Tobias Sr., na dati ring nagsilbi bilang regional director ng Bureau of Fire Protection-Region 12, sa inasta ng kanyang anak. - Joseph Jubelag