INCHEON -- Naging malakas ang pagtatapos ng golfer na si Princess Superal sa kanyang bogey-free, two-under par 70 na pagpapakita noong Linggo, ngunit kinapos ang Pilpinas sa women’s doubles event ng 2014 Asian Games.
Napigilan ng Thailand ang Korea na masungkit ang gold medal, kinumpleto ang apat na rounds sa Dream Park Country Club sa 38-under 538.
Ang South Korea, pinangunahan ni individual gold medal winner Park Gyeol, ay nagkasya sa silver sa 545 kasunod ng China na may 559.
Itinulak ng Japan ang Pilipinas sa ikalimang puwesto sa kanilang 565 kasunod ng closing na four-under 140.
Naglaho si Miya Legaspi sa kanyang two-over par 74 sa paglilista ng mga Filipina ng 571.
Si Pauline del Rosario, ang isa pang miyembro ng koponan, ay nakakuha ng birdie sa final hole para sa 75 na hindi ibinilang.
Nagkaroon ang mga Pinay ng pag-asa para sa bronze medal sa kanilang dalawang strokes sa likod ng China sa pag-uumpisa ng araw, ngunit nagtambal sina Shi Yuting at Ye Zigi para sa 11-under na naglayo sa Chinese sa ikatlong puwesto.
Si Superal, ang 17-anyos na national champion, ay nakuha lahat puwera ang isang green, at gumawa ng dalawa lamang na birdie sa ninth mula 12 feet at 15th mula four feet.
“Kulang sa suwerte,” sabi ni Superal, na nagtapos na ika-11 sa individual event sa kanyang four-under 284.
Ang 16-anyos na si Legaspi, samantala, ay nagtapos sa ika-13 puwesto sa kanyang one—under 287.
Si Legaspi ay one-under nang mag-overshoot sa green sa par-3, 13th hole. Nakakuha siya ng dalawa sa loob ng limang talampakan, ngunit nagmintis sa par-saving putt. Naglakad siya palabas ng green na may double bogey makaraang gumawa ng dalawa pang putts sa nasabing hole.
Muli siyang nag-bogey sa sumunod na hole bago tinapos ang kanyang round na mayroong apat na sunod na pars.
Ang susunod sa agenda ng women’s team ay ang Santi Cup na nakatakda sa Oktubre 12 sa Brunei. Hindi pa nananalo ang Nationals mula nang maumpisahan ang event tatlong taon na ang nakararaan.
Sa men’s division, nalutas na rin ni Rupert Zaragosa ang misteryo ng Jack Nicklaus-designed course nang maka-shoot siya ng five-under par upang magtapos sa individual event sa four-under 284.
Si Justin Quiban ay 76-for-296, si Raymart Tolentino ay nag-matched par para sa 299 habang si Kristoffer Arevalo ay nagtapos na may 75-for-301. - Rey Bancod