NGAYONG gabi na gaganapin ang finals night ng Himig Handog Pinoy Pop (P-Pop) Love Songs 2014 sa Araneta Coliseum, simula 7:30, na iho-host nina Robin Domingo, Kim Chiu, Xian Lim, at Alex Gonzaga.
Itatampok sa pinakamalaking multimedia songwriting competition sa Pilipinas ang live performance ng ilan sa mga pinakasikat na mang-aawit sa bansa sa top 15 finalist songs na nilikha ng mga beterano at baguhang Filipino composers.
Si Morissette ang interpreter ng Akin Ka Na Lang na komposisyon ni Francis Louis Salazar, si Jessa Zaragoza para sa Bumabalik ang Nagdaan ni Sarah Jane Gandia, Jovit Baldivino para sa Dito ni Raizo Brent Chabeldin at Biv de Vera, Ebe Dancel kasama si Abra para sa Halik sa Hangin ni David Dimaguila, Angeline Quinto para sa Hanggang Kailan ni Jose Joel Mendoza, Juris para sa Hindi Wala ni Nica del Rosario, Jed Madela para sa If You Don’t Want to Fall ni Jude Gitamondoc, Janella Salvador para sa Mahal Kita Pero ni Melchora Mabilog, KZ Tandingan para sa Mahal Ko o Mahal Ako ni Edwin Marollano, Michael Pangilinan para sa Pare Mahal Mo Raw Ako ni Jovinor Tan, Marion Aunor tampok sina Rizza at Seed para sa Pumapag-ibig ni Jungee Marcelo, Daniel Padilla para sa Simpleng Tulad Mo ni Meljohn Magno, Bugoy Drilon para sa Umiiyak ang Puso ni Rolando Azor, at Jugs and Teddy para sa Walang Basagan ng Trip ni Eric de Leon. Ang songwriterfinalist na si Hazel Faith dela Cruz ang aawit ng kanyang komposisyon na Everything Takes Time.
Maaaring mapanood nang live at commercial-free ang finals night sa SKYcable at Destiny Cable pay-per-view sa halagang P199 lamang. Para sa karagdagang impormasyon at kumpletong voting mechanics para sa mga special award, bisitahin ang Himighandog.abs-cbn.com, i-like ang Facebook fanpage ng Star Records na www.facebook.com/starrecordsphil o i-follow ang @starrecordsph sa Twitter.