Dumating noong Huwebes ng gabi si Pangulong Benigno S. Aquino III mula sa kanyang 12-araw na working visit sa Europe at Amerika, bitbit ang $2.3-billion halaga ng investments.

Dumating ang Pangulo sa Ninoy Aquino International Airport bandang 10:00 ng gabi lulan ng chartered flight mula sa San Francisco, California sa Amerika.

Sinabi niya na ang $2.3-billion halaga ng investments na nakalap niya sa 12-araw niyang working visit ay inaasahang makalilikha ng 33,850 trabaho para sa mga Pinoy.

Aniya, nakipagpulong siya sa 22 opisyal ng mga dayuhang kumpanya sa limang bansang kanyang binisita—ang Spain, Belgium, France at Germany sa Europe, at Amerika. Sa Amerika, nilibot ng Presidente ang Boston saMassachusetts, New York, at San Francisco, California.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Ang sabi natin sa kanila, kung naghahanap kayo ng paglalagyan n’yo ng puhunan, bakit ‘di kayo sa amin pumunta upang pakinabangan ang bunga ng pagunlad,” sinabi ni Aquino sa kanyang arrival statement.

Sinabi pa ng Pangulo na nagawa niyang ipaabot ang pasasalamat ng bansa sa mga bansang tumulong sa mga nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre ng nakaraang taon, gayundin sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao. Personal din niyang pinasalamatan ang mga lider ng mga bansa sa Europe sa pagbawi sa ban laban sa mga eroplano ng Pilipinas.

Dagdag pa niya, malinaw rin niyang naipahayag ang posisyon ng Pilipinas kaugnay ng agawan sa mga teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea).

Sa United Nations (UN) Climate Summit sa New York, sinabi ni Pangulong Aquino na binigyang-diin niya ang panawagan ng Pilipinas sa lahat ng bansa na magtulungan laban sa matitinding epekto ng climate change.

Sa kabuuan, sinabi ni Pangulong Aquino na ang pagbisita niya nabanggit na limang bansa ay isang patunay sa kumpiyansa ng mundo sa bumubuting ekonomiya ng Pilipinas.

Samantala, nagpasalamat din si Pangulong Aquino sa mga Pilipino na nagtulungan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Mario’ na nagpatindi sa habagat noong Setyembre 19, 2014.