Ang Pilipinas ba ay talagang naghihirap? Ang mga mamamayan ba ay talagang nagugutom? Hindi ba kabalintunaan na sa diumano ay laganap na kagutuman at kahirapan na nararanasan ng 100 milyong Pinoy ngayon, kabilang naman ang 10 Pilipino ang itinuturing na pinakamayaman sa bansa o baka maging sa buong mundo?

Batay sa Forbes Magazine na may listahan ng “Mga Pinakamayamang Pilipino”, napanatili ni mall tycoon Henry Sy Sr. ang pagiging “hari” sa yaman sa Pilipinas sa nakalipas na pitong taon. Ang yaman niya ngayon, ayon sa Forbes Magazine, ay $12.7 bilyon! Ang sumunod kay Mr. Sy ay si Lucio Tan ($6.1 bilyon); Enrique Razon Jr. ($5.2 bilyon); Andrew Tan ($5.1 bilyon); John Gokongwei Jr. ($4.9 bilyon); David Consunji ($3.9 bilyon); George Ty ($3.7 bilyon); Erramon Aboitiz ($3.6 bilyon); Jaime Zobel de Ayala ($3.4 bilyon); at Tony Tan Caktiong ($2 bilyon).

Totoo kayang ang Freedom of Information (FOI) bill ay wala sa priority measures ni Pangulong Noynoy Aquino? Ayaw raw yatang sertipikahan ito bilang urgent upang talakayin agad ng Kamara. Sa Senado ay pasado na ito sa pamumuno ni Sen. Grace Poe na kamakailan ay nagpakita ng pambihirang example nang subukang sumakay sa MRT nang walang bodyguard o security maliban sa kanyang staff at yaya ng anak na babae. Mga opisyal ng gobyerno, magagawa ba ninyo ito?

Marami ang nagtatanong, bakit nag-aatubili si PNoy na sertipikahan ang FOI bill na maghahayag sa publiko sa mga transaksiyon na pinasukan ng gobyerno. Di ba ipinagmamalaki niya na transparent ang kanyang governance, na wala siyang itinatago? Eh bakit parang ayaw niyang matalakay ito? Mag-isip tayong mabuti mga kababayan. Ang nilabanan ni ex-Sen. Ninoy Aquino ay diktadurya ng rehimeng Marcos. Ang nilabanan ni Tita Cory ay mismong si ex- Pres. Marcos na sumaklot sa demokrasya at diumano ay nagpapatay kay Ninoy. Ngayon, ang nilalabanan ni PNoy ay ang kurapsiyon at ang “Baluktot Na Daan” na nilalandas ng mga pinunong bayan. Kung ganoon, eh bakit ayaw niyang tantanan ang Supreme Court na isang malayang sangay ng gobyerno na interpreter ng batas na dapat igalang ang desisyon? Dahil lang ba sa pagsupalpal sa kanya sa DAP?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho