Hindi na maitago ni No. 2 super featherweight contender Michael Farenas ang kanyang pagkadismaya sa pagkansela ni International Boxing Federation (IBF) Chairman of the Championship Committee Lindsey Tucker sa nakaiskedyul na purse bid ng kanyang laban sa Amerikanong si Diego Magdaleno para malaman kung sino ang official mandatory challenger ng IBF sa 130- lb division.

Unang iniutos ng IBF na harapin ni Farenas si No. 3 challenger Fernando David Saucedo ng Argentina matapos niyang talunin sa 6th round technical knockout si No. 11 contender Mark Davis ng United States sa eliminator bout noong nakaraang Hunyo 2 sa Connecticut pero biglang binawi ni Tucker na hindi pa tiyak na haharap ang Pinoy boxer sa kampeonato.

Nagpasya si IBF junior lightweight titlist Rances Berthelemy ng Cuba na harapin si Saucedo kaysa kay Farenas na bagamat natalo sa puntos ay pinabagsak at muntik mapatulog ang kababayan niyang si Yuriorkis Gamboa sa sagupaan para sa interim WBA super featherweight title noong Disyembre 8, 2012 sa Las Vegas, Nevada.

Ayon sa manager ni Farenas, ang dating two-division world champion na si Gerry Penalosa, iniwasan na naman ng mga dayuhang boxer ang kanyang alaga dahil alam nilang malakas sumuntok ito na tinaguriang Hammer Fist.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Diego Magdaleno pulled out from fighting Farenas. He has a chicken heart,” pahayag ni Penalosa sa PhilBoxing.com.

Idinagdag pa ni Penalosa na sinabihan siya ni Tucker na susunod namang nakalinya para makabakbakan ni Farenas si undefeated Jose “Sniper” Pedraza (18-0, 12 knockouts), ang 25-anyos na Puerto Rican na nakalistang No. 6 contender ng IBF at No. 5 sa World Boxing Council (WBC).

Nakamit ni Pedraza ang bakanteng International Boxing Organization (IBO) super featherweight title sa bisa ng 12-round unanimous decision victory kay Mexican Alberto Garza noong Marso 22, 2014 sa Ponce, Puerto Rico at matagumpay na naipagtanggol ang titulo via 6th round stoppage kay Juan Carlos Martinez ng Mexico nito lamang Agosto 15 sa Santa Ynez, California sa United States.

Tiwala naman si Penalosa na bagamat mas matangkad si Pedraza, duda siya sa kakayahan ng Puerto Rican dahil hindi pa talaga ito nasusubukan nang husto sa kagaya ng kalibre ni Farenas na kinatatakutan maging ng kampoeng si Berthelemy.