VROOM! VROOM! ● Isang Sabado, dakong 6:00 ng umaga, hindi ko pa oras gumising ngunit ginising ako ng malakas na pag-arangkada ng isang tricycle na nag-deliver ng LPG sa aking kapitbahay. Sa halip na simulan ko ang isang araw ng pahinga dahil walang pasok sa opisina, totohanang nainis ako sa kawalan ng edukasyon ng tricycle driver na iyon. Siyempre, hindi ko na maabutan iyon kapag bumaba ako ng aking pamamahay upang pagsabihan na lagyan niya ng muffler ang kanyang maingay na motor upang hindi makagambala sa ilang kapitbahayan na nasa kasarapan pa ng pagtulog nang umagang iyon. Ngunit kapuri-puri ang ginawang hakbang ng pamahalaang lungsod ng Tarlac. Nagpatupad sila ng isang ordinansa na pinangalanang Motor Tricycle Mufflers Ordinance na nagaatas sa lahat ng operator at trike driver na magkabit ng muffler sa kanilang mga motorsiko upang mabawasan ang ingay.

Nakatutulong din ito sa pagbawas ng maruming usok na nakadadagdag sa polusyon sa hangin. Ayon sa naturang ordinansa, ang mahuhuli sa unang pagkakataon ay pagmumultahin ng P200 at kukumpiskahin ang lisensiya; P500 multa sa pangalawang pagkakataon at kukumpiskahin ang sasakyan. Sa pangatlong pagkakataon, ay talagang may sakit na sa utak ang driver na ito kung kaya mahirap umintindo o sadyang mapera at ito ang kanyang paraan upang makapag-ambag sa kaban ng Tarlac – pagmumultahin ng P1,000 at kukumpiskahin ang sasakyan at kakanselahin ang permit ng operator nito.

TUMULONG TAYO ● Umapela ang matapang na pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Lt. Gen. Pio Catapang sa mga miyembro ng New People’ Army (NPA) na tumulong sa paglilikas ng mga residente sa Albay dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon. Ayon kay Catapang, hindi ito ang panahon upang gamitin ang armas laban sa isa’t isa at mas mainam ang magkapit-bisig, kahit sandali lang, sa pagtulong ang may sampung libong pamilya na nasa danger zone ng Bulkang Mayon. Sa kabila nito, nagpasalamat si Albay Gov. Joey Salceda sa natanggap na tulong lalo nga ngayong lumalala na ang lagay ng Mayon. Napapanahon aniya ang ginawang hakbang na ito ni Catapang sapagkat hindi biro ang paglilikas ng mga Albayano mula sa kani-kanilang tahanan at mga kabuhayang naitatag na sa lugar. Mauwi sana ito sa mabuting pakikitungo ng dalawang kampong matagal nang nagbabangayan.
Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon