Dahil na rin sa masamang panahon na dulot ng bagyong ‘Mario’ sa buong Metro Manila noong nakaraang Biyernes, nagdesisyon ang event host Adamson University (AdU) na kanselahin ang mga laro kahapon sa UAAP Season 77 high school volleyball tournament.
Ang mga nakanselang laro na dapat sana’y lalaruin sa Adamson Gym sa Manila ay ang laban ng Ateneo at University of Santo Tomas (UST) sa boys division at ang dalawang laro sa girls division sa pagitan ng Adamson at National University (NU) at ng La Salle Zobel at UST.
Ang mga kinaselang laro ay inilipat sa darating na Miyerkules (Setyembre 24) sa nasabi ding venue.
Ang laban ng Blue Eaglets at Tiger Cubs ay simula ng stepllader semis sa boys division kung saan ang magwawagi sa kanila ay haharapin ang second seed at may twice-to-beat advantage na National University Bullpups para naman sa second finals berth at sa karapatang hamunin ang reigning 10-time titlist University of the East (UE) na may bentahe namang thrice-to-beat makaraang walisin ang eliminations.
Sa girls division, taglay naman ng elimination topnotcher NU at ng second seed at defending champion UST ang twice-to-beat advantage sa kanilang mga katunggali sa Final Four round.