MALULUSOG FOREVER ● Mabuti na lamang, hindi masama at mahalagang balita ito para sa atin: May nakapag-ulat na kinakapos ang Venezuela sa brand-name breast implants at desperado na ang mga doktor sa bansang iyon na gumamit na lamang ng mga pamalit na produkto na mula sa China. Kasi naman, obsessed na umano ang marami-raming babae sa naturang bansa sa pananatili ng kanilang ganda hanggang sa abot ng kanilang salapi. Hindi ba mas maraming Miss Venezuela ang nagwawagi sa mga international beauty contest? Madali namang nakakukuha ng implants ang mga Venezuelan dahil aprubado ito ng US Food and Drug Administration.

Ngunit sinasabi ng mga doktor na imposible na ngayong makakuha ng imported implants dahil sa problema ng bansa sa pananalapi ng mga lokal na negosyante. Dating may pinakamataas na singil ang Venezuela sa larangan ng plastic surgery at isa sa mga in demand ay ang breast implant. Umiiral kasi sa kanilang kultura ang “Mas maganda ako kaysa iyo” kung kaya kahit kinse anyos ay nagpapa-breast implant na. Habang bumababa ang halaga ng bolivar (pera ng Venezuela), lalong lumalala ang kakapusan ng breast implant products kung kaya malamang na gumamit na ang Venezuela doctors ng mas mura o pipitsuging produkto mula sa kung saang lupalop ng mundo. May nakapagsabi nga na kulubot ka na at uugud-ugod ngunit ang bumpers mo ay mananatiling malulusog forever. Marahil, ang kailangan lamang palitan ay ang kanilang pananaw sa buhay.

MALUPIT SI MANG MARIO ● Habang isinusulat ko ito, napaulat na may lima katao ang namaty sa pananalasa ng bagyong si Mang Mario. Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga namatay ay nagmula sa Quezon City; sa Montalban, Rizal, sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, at Cagayan. Marami rin ang nasugatan. Marami rin ang stranded sa lansangan, mga maagang nagsigising upang pumasok sa trabaho. Ako rin naman hindi ko inasahan na lumakas ang hagupit ni Mang Mario kung kaya umuwi ako agad sa bahay nang hindi na ako makaraan sa karaniwan kong dinaraanan dahil sa baha. Hindi nagkulang ang ating gobyerno sa pagpapaalala sa ating mag-ingat sa ganitong lagay ng panahon. Kaya sa susunod na sumama ang panahon, tanungin ang sarili: Handa ba tayo sa bagyong ito?
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists