KASUNOD sa ulat ng Department of Health (DOH) na isang Saudi Arabia-based Pinay nurse na nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERSCoV) sa pagdating nito sa bansa,muling pinapayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang mga Pinoy, partikular ang mga manggagawa sa sektor ng pangkalusugan, na ituloy ang pagsasagawa ng lahat ng karampatang pag-iingat at pagobserba sa health guidelines na iniisyu ng Saudi Ministry of Health (MOH) at DOH laban sa MERS-CoV.

Dapat sumunod ang mga Pinoy worker na nasa healthcare sector sa umiiral na infection control protocols sa kanilang pinagtatrabahuang ospital. Hinihikayat din ang mga ito na kumuha ng boluntaryong MERS-CoV screening test na alok ng kanilang employer lalo na kung nais ng mga ito na bumalik sa Pilipinas.

Inaabisuhan ang mga Pinoy na kumuha ng screening test na hintayin muna ang resulta bago bumiyahe at magdala ng kopya ng kanilang test result para naman sa inspeksiyon/ eksaminasyon ng health authorities ng bansa sa kanilang pagdating.

Sa kabila ng konsiderasyong bumaba ang insidente o kaso ng MERS-CoV sa Saudi Arabia nitong mga buwang nakalipas, kinakailangan pa rin na mapanatiling mataas ang antas ng pagmamatyag laban sa lahat ng uri ng nakahahawang sakit kasama ang Ebola Virus Disease upang masiguro na ligtas ang mga mahala sa buhay,kaibigan,kasama sa trabaho na parehong nasa Kingdom at Pilipinas.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang mga Pinoy na nasuri o nahawa sa virus ay hinihikayat na agad iulat ang kanilang kondisyon sa Embahada. Ituturing na confidential ang impormasyong matatanggap ng embahada hinggil sa kaso ng MERS-CoV virus o ibang nakahahawang sakit gaya ng Ebola sa pamamagitan ng pagtawag sa Embassy Hotline na 051 504 6362.