Napasakamay ni 2-time Olympian at Southeast Asian Games (SEAG) long jump record holder Marestella Torres ang pagkakataong maipakita ang kanyang tunay na kakayahan matapos na masungkit ang huling silya sa pambansang delegasyon na sasabak sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Ito ay nang ikonsidera ng binuong Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC) Asian Games Task Force na isama sa listahan ang 33-anyos na dati ring Asian champion na si Torres makaraan ang ikalawa nitong pagwawagi ng gintong medalya sa ginanap na Singapore Open.
Mismong si Team Philippines Chef de Mission at PSC Chairman Richie Garcia ang nagdesisyon upang idagdag si Torres sa delegasyon.
“Marestella named to Asian Games roster! Wonderful news! Well deserved,” ibinalita ng sports patron at isa sa coach ni Torres na si Jim Lafferty.
“She is a gold medal material and only getting stronger. She deserves leniency coming off a recent pregnancy. I think it’s a good decision for the country,” sinabi pa ni Lafferty.
Nagawang iuwi ni Torres ang kanyang ikalawang gintong medalya matapos magbalik sa serbisyo sa pambansang koponan nang lampasan nito ang itinakdang 17th Asian Games standard sa unang araw ng 76th Singapore Track and Field Open sa Choa Chu Kang Stadium.
Itinala ni Torres ang lundag sa layong 6.45 metro upang angkinin ang isa sa tatlong gintong medalyang napanalunan ng bansa na dinaluhan din ng mga naghahandang atleta mula sa karibal na China at Korea.
Dahil sa pagkakadagdag ni Torres, umabot na sa kabuuang 150 atleta ang ipadadala ng bansa sa kada apat na taong torneo sa asam na malampasan ang huling kinubrang 3 ginto, 4 pilak at 9 tansong medalya noong 2010 Guangzhou Asian Games.
Matatandaan na noong 2010 ay agad na nilundag ni Torres ang layong 6.49 metro sa kanyang unang talon pa lamang subalit na-foul ito sa sumunod na limang tsansa upang maungusan pa sa tansong medalya sa kahalintulad na sukat na natalon ng atleta mula sa Uzbekistan.
Ang nagwagi ng gintong medalya ay si Jung Soon-ok ng Korea na nagtala ng 6.53m kasunod si Olga Rypakova na mula sa Kazakshtan na nagposte ng 6.50m para sa pilak. Ang tanso ay isinuot ni Yuliya Tarasova ng Uzbekistan sa nilundag na 6.49m na katulad ng itinala ni Torres.
Umaasa naman si Torres na muli nitong maisagawa ang kanyang personal best jump na 6.71 meters na itinala nito noong 2011 Southeast Asian Games sa Palembang.
“Nagpapasalamat po ako at nabigyan ako muli ng pagkakataon na mapatunayan ko na kaya kong manalo sa Asian Games. Pagkakataon ko na po ito na makabawi sa huli kong pagsali na tayo po ang nangunguna tapos ay na-foul lahat ang sumunod kong talon,” pahayag ni Torres.
Si Torres ay ikaapat noong 2002 Asian Championships at nagwagi ng pilak sa 2005 Asian Championships. Sumabak ito sa 2005 World Championships at noong 2008 Olympics sa Beijing, China. Nagwagi ito ng ginto noong 2009 Asian Championships sa tinalon na 6.51 metro bago tumapos na ika-22 sa 32 kasali noong 2012 London Olympic Games.