Hangad ng 12-anyos na si Chenae Basarte na mapabilang sa pambansang koponan sa Under 17 girls volleyball team na isasabak ng Philippine Volleyball Federation (PVF) sa AVC Asian Girls U17 Championships sa Nakhonratchisima, Thailand sa Oktubre.

Sinabi ni PH Under 17 volley head coach Jerry Yee na kahanga-hanga ang tapang at tibay ng 5-foot-2 na si Basarte na mula sa Cebu upang makapaglaro agad sa pambansang koponan kung saan ay kasalukuyang nagaaral sa elementary.

“Very talented at matapang ang bata,” sabi ni Yee, makakasama sa U17 national volley team ang assistants na sina Emilio Reyes Jr. at Raymond Castillo. “Bibihira na sa edad na tulad niya ay gusto na niya ang matitinding laro. We hope that all 12-years old like her would now really aim to become a member of the national team.”

Si Basarte, kasalukuyang miyembro at maraming beses na tinanghal na Girls Volley champion na Hope Christian School, ay kagagaling lamang sa pagsabak sa 2014 Laguna Palarong Pambansa kung saan ay tinanghal itong Most Valuable Player (MVP) sa elementary kasama ang pagiging Best Attacker at Best Server.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Asam ng 2014 Milo National Finals MVP at Best Attacker na si Basarte na maiprisinta ang bansa sa iba’t ibang lokal at internasyonal na torneo.

“Gustong-gusto ko po na maging member ng national team,” sinabi ni Basarte.

“Pangarap ko po talaga na makalaro na bitbit ang bandila ng Pilipinas,” giit pa ni Basarte, iprinisinta ang Central Visayas na nabigo sa titulo kontra sa National Capital Region (NCR) sa Palarong Pambansa.

Tanging si Basarte lamang ang may edad na 12 na naimbitahan upang mag-tryout sa binubuong Under 17 na pambansang koponan na ilalahok sa prestihiyosong Asian Volleyball Confederation (AVC) Girls Championships sa Oktubre 11 hanggang 19.