Nabigo ang shooter na si Celdon Jude Arellano ng Pilipinas makaraang mapatalsik sa preliminary round ng 10m air rifle sa 2nd Youth Olympic Games na ginanap sa Fangshan Shooting Hall sa Nanjing, China.

Tumapos lamang na ika-14 na puwesto mula sa kabuuang 20 kalahok ang beterano ng Asian Youth Games na si Arellano matapos na magtala ng 96.5-102.2-99.9-102.7-103.0-100.7 para sa kabuuang 605.0 at mabigong makasama sa walong uusad sa finals.

Nanguna sa walong nakuwalipika si Haoran Yang ng China na nagtala ng iskor na 104.4 -105.9 -104.9 -103.8 -105.9 -104.5 o kabuuang 629.4 iskor at siya din ang nagwagi ng gintong medalya sa itinala nitong 125.3 puntos.

Pumangalawa kay Yang si Vadim Skorovarov ng Uzbekistan na may itinalang 123.9 puntos para sa pilak habang pumangatlo si Hrachik Babayan ng Armenia sa inasintang 123.1 puntos para sa pilak.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nakasama ni Arellano sa kabiguan ang triathlete na si Victorija Deldio at swimmer na si Roxanne Ashley Yu.

Habang isinusulat ito ay nakatakda namang sumabak sa qualifying heat ng women’s 400m ang Fil-American na si Zion Rose Nelson na bitbit ang kanyang personal best na 58.14 segundo sa ganap na alas-7:00 ng gabi.

Sa ganap na alas-7:00 din ng gabi magtatangka ang gymnast na si Ava Lorein Verdeflor na maibigay sa bansa ang unang medalya sa kada apat na taong torneo sa pagsabak sa dalawang finals ng artistics gymnastics sa 13,000-seat Olympic Sports Center Gymnasium.

Unang sasabakan ni Verdeflor ang paboritong uneven bars kontra sa pitong ibang kalahok para sa kategoryang individual event bago muling eentra sa kampeonato ng women’s all around kung saan kasama ito sa 18 na maglalaban.

Ang 15-anyos na si Verdeflor ay tumapos na ikaanim na puwesto sa uneven bar upang makausad sa finals bago nagkasya sa ika-12 puwesto sa women’s all-around mula sa pinagsamang puntos sa uneven bars, balance beam, floor exercise at vault.

Hindi ito nakapasok sa finals ng individual floor exercise, balance beam at vault.

Tanging si Verdeflor pa lamang ang nakalapit sa pagkakataong makapagbigay ng medalya sa Pilipinas matapos ang apat na araw ng torneo.

Tutudla naman sa Biyernes ang archers na sina Bianca Cristina Gotuaco at Gabriel Luis Moreno sa recurve.