MASYADONG malapit sa aking puso ang mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs). Matagal naming nakasama sa bahay ang ilan sa tulad nila bilang mga katulong sa pag-aalaga sa aming mga magulang na kapuwa may mga karamdaman at sa iba pang miyembro ng pamilya. naroon sila hanggang sa yumao ang aming ama at ina at ilang kapatid. nangilabot ako nang pabiro nilang ibulong: Aalagaan ka rin namin, Kuyang.
Talagang matindi ang aking pagdakila sa PWDs, lalo na sa mga napabantog sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran, tulad ng kabayanihan, musika, teknolohiya, isports at iba pa. Lagi nating binabanggit, halimbawa, ang katalinuhan at pagkamakabayan ni gat. Apolinario Mabini – ang tinaguriang Dakilang lumpo o Sublime Paralytic. Hindi ba isa ring kababayan natin na may lahing banyaga ang nakapagpapalipad ng eroplano sa pamamagitan ng kanyang mga paa? Isipin na siya ay isang babae at isinilang na walang mga kamay!
Gayunman, bahagyang nabahiran ng pag-aalinlangan ang aking pagdakila sa ilang PWDs dahil sa kanilang pagkukunwari o pagpapanggap. Sa isang lugar sa Quezon City, halimbawa, may isang nagpipilay-pilayan ang walang patumangga sa pamamalimos sa dumadaang mga motorista; halos matumba at mabitawan ang kanyang saklay kapag inilalahad ang kanyang mga kamay. Paglampas ng mga motorista na hiningan niya ng limos, kaagad tatalilis; matuwid maglakad at bitbit ang saklay. Maraming pagkakataon na ang PWDs ang ginagamit sa pamamalimos; pinagmumukhang mga pulubi at sinasabing kinakasangkapan lamang ng ilang grupo na may masakim na interes. At marami naman ang napipilitang maglimos dahil sa pagkahabag, kahit na batid nila na ang gayong pagmamagandang-loob ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Ang gayong mga pagpapanggap ay sapat na upang magising ang kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno sa pagbalangkas ng mga programa para sa kapakanan ng naturang grupo ng ating mga kababayan. Mula sa nakalululang pondo ng administrasyon, dapat paglaanan ang isang makabuluhang rehabilitation at livelihood program para sa kanilang ikabubuhay. Sila, tulad ng marami sa atin, ay may kabuluhan din sa lipunan.