Ni LESLIE ANN G. AQUINO
Umabot sa 73 obispo ang lumagda sa isang dokumento na humihiling sa pagbasura ng pork barrel fund system na sinasabing ugat ng malawakang katiwalian sa gobyerno.
Pinangunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma, nilagdaan ng mga obispo ang dokumento sa isinagawang plenary assembly noong Hulyo na humihiling na ipagbawal at gawing krimen ang paggamit ng lump sum discretionary fund.
Kabilang sa mga lumagda ay sina Malolos Bishop Jose Oliveros, Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Baguio Bishop Carlito Cenzon, Sorsogon Bishop Arturo Bastes at Jaro Archbishop Angel Lagdameo.
Bagamat hindi nila natatandaan kung mayroon nga silang nilagdaang dokumento sa ginanap na pagpupulong, sinabi nina Basilan Bishop Martin Jumoad and Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na suportado nila ang hakbang.
Noong Agosto 8, inendorso ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na pinangungunahan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang People’s Initiative laban sa pork barrel matapos mapagalaman ng grupo ang tangka ng ilang grupo na ipagpatuloy ang paggamit nito mula sa national budget.