NALAMAN ko na lamang isang araw na isa kong amiga ang magbibitiw na sa tungkulin. Dahil likas sa akin ang pagiging tsismosa, nalaman ko sa kanya na hindi niya nakasundo ang kanyang superior. Aniya, lalo lamang siyang masusuklam sa kanyang superior kung mananatili pa siya. Ayaw daw niya ng additional wrinkles kaya minarapat na lamang niyang magresign.
Hindi na nakapagtataka kung bakit marami sa atin ang hindi na masaya sa kanilang mga trabaho. Nangyayari yata ito kahit pa napakaganda ng iyong posisyon at malaki ang iyong sahod, na sa arawaraw halos na inilalagi mo sa iyong trabaho, kung hindi mo naman kasundo ang iyong mga kasama, totohanang hindi ka mapapanatag ang loob at maaapektuhan ang iyong performance bilang manggagawa.
Kung hindi ikaw ang tipong magrereklamo na lang dahil hindi mo na gusto ang kalagayan ng iyong trabaho, maitatanong mo rin sa iyong sarili: “Bakit inubos ko ang aking panahon sa kakareklamo tungkol sa aking trabaho?” Ngunit may mas mahalaga pang mga tanong kaysa roon:
- Bakit hinayaan ko ang aking sarili na sumandal sa suweldo lamang? – Hinayaan nating diktahan tayo ng lipunan na okay lang mabuhay sa kakarampot na suweldo dahil hindi ka naman napapagod sa kauupo sa iyong silya at humaharap sa computer walong oras isang araw.
- Bakit ko pinaniwala ang aking sarili na wala na akong oportunidad sa labas ng aking trabaho? – Naging karaniwan na lamang sa atin ang pumasok sa trabaho araw-araw itinutok natin sa ating gawain ang ating utak, puso, at lakas hanggang pagsawaan na natin ang ating ginagawa at pagtiisan ang ugali ng ating mga kasama. Naniwala tayo na wala na tayong oportunidad upang gawing maginhawa, masaya at katanggap-tanggap ang ating buhay kahit hindi na natin gusto ang ating
trabaho.
Dumarami na ang nagsisimulang maniwala na mayroong masayang pamumuhay kaysa ubusin ang iyong panahon sa isang trabahong iyong kinasusuklaman.
Sundan bukas.