Ibibigay lamang ng Philippine Olympic Committee (POC) ang rekognisyon at pagkilala bilang miyembro ang Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) kung aalisin bilang opisyal ang dating presidente na si Go Teng Kok.

Ito ang isiniwalat ng isang nahalal na opisyal ng PATAFA matapos na muling madismaya sa inilatag na kondisyon ng POC sa pagsusumite nila ng kanilang mga dokumento matapos na isagawa ang eleksiyon.

“POC is supposed to be ministerial,” sinabi ng opisyal na tumangging pangalanan.

“They held the NSA a hostage as they imposed what they want dahil sa sila ang nakaupo sa posisyon,” sinabi ng source.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Una nang idineklara ng POC si Go bilang persona non grata dahil sa pagiging kritiko nito sa organisasyon, lalo pa noong nasangkot ito sa kaguluhan sa liderato ng Philippine Karatedo Federation (PKF) na pinamumunuan ngayon ng 1st Vice-president na si Jose Romasanta.

Hindi naman nagbigay ng komento ang bagong halal na pangulo ng PATAFA na si Philip Ella Juico bagamat asam nito na makuha ang rekognisyon bilang miyembro ng POC.

Ipinaliwanag ni Juico na mahirap gawin ang ninanais ng POC dahil may sinusunod na proseso ang asosasyon.

“Go is elected by members in the Board of Trustees. Hindi puwedeng idisregard ang kagustuhan ng mga miyembro ng asosasyon for it will create a chaos. Iyon ba ang gusto nila,” paliwanag ni Juico.

Aminado naman si Juico na maraming kinakailangang gawin para sa asosasyon kung saan ay muli silang nakatakdang magdaos ng eleksiyon sa Nobyembre, base naman sa nakaatas sa isinumiteng By-Laws ng PATAFA sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Matatandaan na inihalal si Juico bilang bagong athletics chief noong Hulyo 25 at maging ang siyam na iba pang miyembro sa board of trustees subalit hindi nagpadala ng observer ang POC dahil hindi nila kinikilala ang eleksiyon.