Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

12 p.m.- San Beda vs Perpetual Help (jrs/srs)

4 p.m.- Lyceum vs San Sebastian (srs/jrs)

Isa na namang kapana-panabik na laban ang matutunghayan ngayon sa pagtutuos ng reigning 4-peat champion San Beda College (SBC) at ng isa sa mga itinuturing na contender na University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) sa pagpapatuloy ng 90th NCAA basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang laban na sinasabing posibleng “sneak preview” sa finals ngayong taon ay magsisimula sa ganap na alas- 2:00 ng hapon.

Kasalukuyang namumuno na hawak ang barahang 6-1 makaraang makabalik sa winning track sa pamamagitan ng 75-56 paggapi sa San Sebastian College (SSC) noong nakaraang Biyernes, tatangkain ng Red Lions na mapatatag ang pamumuno sa pagsagupa nila sa Altas na may kartada namang 4-2 na nakabalik na rin sa winner’s circle matapos dumanas ng dalawang dikit na kabiguan sa kamay ng Jose Rizal University (JRU) at Arellano University (AU) matapos pataubin ang Lyceum sa nakaraan nilang laro.

Salpukan din ito ng nangungunang defensive teams ng liga- ang San Beda na nagagawa lamang limitahan ang kanilang kalaban sa average na 63.9 puntos at ang Perpetual Help na dinodominahan naman kanilang mga katungali hanggang 70.33 puntos.

Bunga ito ng abilidad ng Red Lions na dominahin ang boards sa kanilang average na 47.43 rebounds kada laro sa pangunguna ng kanilang Nigerian center na si Ola Adeogun at ng power forward na si Arthur dela Cruz.

Bagamat walang maipagmamalaking lehitimong sentro, kahanga-hanga naman ang ipinapakitang blocking skills ng Altas na may average na 5 blocks kada laro at pumapangalawa sa Arellano sa steals sa average nilang 7.67 bawat laban.

“Siguro kung sino ang team na makakapag-execute ng mas maayos sa depensa, ‘yun ang malaki ang tsansa,” pahayag ni Altas coach Aric del Rosario.

“I’m not going to tire saying this, our offense is our defense,” ayon naman kay San Beda mentor Boyet Fernandez.

Muling sasandigan ni Fernandez, maliban kay Adeogun at Dela Cruz, sina Baser Amer at Fil-Aussie Anthony Semerad na lahat ay nag-aaverage ng 12 puntos kada laro.

Habang umaasa naman si Del Rosario na magiging consistent na sa kanilang suporta sa kanilang 1-2-3 punch na sina Scottie Thompson, Juneric Baloria at Harold Arboleda ang mga kakamping sina Justine Alana, Joel Jolangcob at GJ Ylagan na siyang nakatulong ng tatlo sa huling panalo nila sa Pirates.