WALANG makapipigil sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng real estate. Maaaring taliwas sa pananaw ko ang nakikita ng iba ang pagbagal ng industriya ng real estate pagkatapos ng ilang taong pagsulong. Ngunit kung ihahambing ang estado ng pag-unlad ng real estate sa ibang bansa sa Asia, gaya ng Malaysia at Thailand, makikitang naiiwan pa rin ang Pilipinas. Lalong lumayo ang pagiging kulelat ng bansa kung ihahambing sa Singapore, Hong Kong, Beijing o Shanghai.

Dahil dito, naniniwala akong malaki pa ang oportunidad para sa patuloy na pag-unlad ng real estate sa Pilipinas. Mainam at nasa atin ang kumpletong sangkap para sa patuloy na paglakas ng real estate. Kabilang dito ang malakas na industriya ng business process outsourcing (BPO), ang remittances mula sa mga manggagawang Pilipino, ang mababang interes sa pautang at malakas na ekonomiya. Ang pagdami ng empleyado sa mga kumpanyang BPO at ang pagtatagumpay ng maraming maliliit na negosyante ay nagpaparami rin sa bahagi ng populasyon na kayang bumili ng sariling tahanan.

Ayon sa pinakahuling ulat ng Bangko Sentral tungkol sa industriya ng BPO at information technology (IT-BPO), ang bilang ng mga empleyado sa nasabing industriya ay tumaas ng 13.3 porsyento, mula sa 679,494 noong 2011 hanggang sa 769,932 noong 2012. Batay sa taunang pagdami ng mga empleyado, maaaring sa 2014 ay humigit na sa 930,000 ang empleyado sa industriya ng IT-BPO. Ang mga overseas Filipino worker (OFW), na mahigit 10 milyon, ay nagpadala ng remittances na $9.4 bilyon sa unang limang buwan ng 2014, mas mataas ng 5.7 porsyento kaysa sa $8.9 bilyong remittances sa parehong panahon noong 2013.

Sa kabila ng mahigpit na regulasyon, ang real estate ay nananatiling isa sa mga pangunahing pinaguukulang ng pagpapautang ng mga bangko. Batay sa aking karanasan, maging ang pagtataas ng Bangko Sentral sa tinatawag na policy rates, na pinagbabatayan naman ng mga pribadong bangko sa kanilang pautang, ay hindi makapagpapahina sa industriya ng real estate. Sa kabuuan, malaki ang pagtitiwala ko na magpapatuloy ang pagsulong ng real estate, para sa kabutihan ng industriya, ng ekonomiya at sa paglikha ng maraming trabaho.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho