SOCE? Teka, ano bang klaseng hayop ito? Ang SOCE ay ang Statement of Contributions and Expenditures… kaya SOCE. At ito ay para sa mga pulitiko na karamihan ay hindi nagsisipagsabi ng totoo.

Sabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, lahat diumano ng mga pulitikong magsisitakbo sa 2016 elections ay dapat munang magsumite ng SOCE para sa nakaraang dalawang eleksiyon at kung hindi, No Puwede silang makatakbo.

Pero totoo na kaya ito? Hindi kaya joke lang na naman ito ng Comelec? Kasi, buhat pa noong nineteen kopong-kopong, ipinananakot na ito sa mga tumatakbong pulitiko. Pero hanggang ngayon, wala pang sumusunod. Sino ba naman sira ang ulong mamamayan ang maniniwala sa isinusumiteng SOCE ng mga nagsikandidato? Hindi ba lahat ng isinusumiteng SOCE ng mga pulitiko ay magic lang? Gagastos ng limpak-limpak lalo na ang mga nakaupo na buhat sa kaban ng bayan at sasabihin sa SOCE na kontribusyon ng kung sinu-sinong gunggong. At sa Comelec naman, okey na iyan. Noon!

Kaya iyang pakulong iyan ni Sixto Brillantes pala ay matagal nang pakulo pero hanggang ngayon ay hindi naluluto.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Overspending sa eleksiyon? Bakit? Sino bang kumandidato ang hindi nag-overspending? Meron ba? Pero maliban kay Gov. ER Ejercito ng Laguna ay may naparusahan na ba? Kasi, si Gov. Ejercito ay kontrapartido. Sabi nga ng mga convict, hindi kakosa. Kaya iyang pakulong iyan ni Brillantes, hangin lamang iyan na mahirap maging bagyo.

Pero subuking pa rin natin. Sabi nga ng taga-Pampanga: “subuk pamu!” Baka nga sakaling totohanin niya di lalong mabuti. Kaya lang, kapag tinotoo niya ito ay baka walang matirang kandidato. Dahil karamihan sa mga pulitikong nagsikandidato noong nakaraang dalawang eleksiyon ay mga mandidenggoy.

Gayunpaman, tingnan natin kung papaanong maipatutupad niya ang babalang iyan. Iyan man lang ay maging legacy niya bilang Chairman ng Comelec bago mag-retiro.