Sinibak ng Korte Suprema sa serbisyo ang isang hukom bunsod ng kontrobersiya sa Philippine Judges Association Elections noong 2013 na kinasangkutan ng isang “Ma’am Arlene.â€
Sa 32-pahinang desisyon ng Korte Suprema, pinatawan nito ng dismissal sa serbisyo si Judge Marino Rubia ng Biñan, Laguna Regional Trial Court (RTC) Branch 24 dahil sa paglabag sa New Code of Judicial Conduct.
Pinawalang-saysay din ng Korte Suprema ang lahat ng retirement benefit ni Rubia, maliban sa kanyang naipong leave credit, at diniskuwalipika rin sa alinmang tanggapan ng gobyerno.
Kasabay nito, pinatawan din ng kataas-taasang hukuman ng isang taong suspensiyon ang data encoder sa Biñan RTC na si Eileen Pecana dahil sa paglabag sa Code of Conduct for Court Personnel.
Nag-ugat ang desisyon ng Korte Suprema sa inihaing administrative complaint ng litigant na si Emilie Sison-Barias na may nakabimbing tatlong kaso sa sala ni Rubia.
Ayon kay Barias, nagpakita ng pagkiling si Rubia sa kalaban niyang partido batay na rin sa mga pahayag na binitiwan ng hukom noong maghapunan sila kasama si Pecana noong Marso 2010.
May mga isyu umanong itinanong si Barias sa kanya na wala namang kinalaman sa kaso at nagpapahiwatig na pinapaboran nito ang abogado ng kanyang kalabang partido sa kaso.
Sa imbestigasyon ni Court of Appeals (CA) Justice Samuel Gaerlan, inirekomenda niyang hindi dapat mapatawan ng parusa ang dalawang respondent dahil naniniwala siyang ang sinasabi ng complainant na dinner meeting sa pagitan nila ni Rubia ay chance encounter lamang.
Pero ibinasura ng Korte Suprema ang rekomendasyon ni Gaerlan at sa halip, mas binigyan nito ng bigat ang testimonya ni Barias kaya pinatawan nito ng guilty ang dalawang respondent sa kasong gross misconduct.