Binanatan ng public historian na si Xiao Chua na baka raw “masarap” o “malutong” ang deskripsyon ng umano’y alyas na “Mary Grace Piattos” na isa sa mga recipient ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noon.
Matatandaang naging mainit ang usapin ng paggamit ng alyas ng mga bayani dahil sa tila naging pagkompronta ni Senator-Judge Robin Padilla kay private prosecutor Atty. Mae Divinagracia sa Senate impeachment trial noong Miyerkules, Agosto 26, 2026.
Ani kasi ni Padilla, mahalaga raw paggamit ng mga alyas ng recipients ng confidential funds kagaya raw ng paggamit ng mga bayani ng mga hindi totoong pangalan sa panahon ng giyera noon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bam, nagpatutsada sa pagbanggit ni Sen. Robin sa alyas ni Ninoy Aquino
Sa naging panayam ng True FM kay Chua nitong Huwebes, Agosto 27, 2026, nilinaw niyang gumamit daw noon ng alyas ang mga bayani dahil sa layuning ipaglaban ang bayan.
Ngunit giit ni Chua, may mga pagkakataon din na ginagamit ng mga masasamang-loob ang pagkasangkapan sa alyas o mga hindi nila totoong pangalan.
Halimbawa umano nina ‘Nardong Putik,’ ‘Asiong Salonga,’ at iba pang mga alyas na kasapi ng mga gang sa Pilipinas.
“‘Yong alyas, ginamit na rin siya eventually ng mga masasamang-loob. Halimbawa sa mga gang, ‘di ba may mga alyas din sila? Si ‘Nardong Putik,’ alyas ‘yan. Si ‘Asiong Salonga,’ ‘yan alyas din ‘yan,” ‘ika niya.
Diin ni Chua, maaari din daw gamiting depensa sa impeachment trial na ginamit ang alyas ng mga recipients ng confidential funds para umano sa layuning protektahan ang bayan.
“Puwede mo naman kasing i-argue, kung totoo ‘yong mga pangalan na nakalagay doon sa binigyan ng confident funds, puwede namang sabihin talaga na ‘Kaya naman ginawa namin ‘yon dahil sa bayan. Dahil pinoprotektahan natin ang bayan.’ That can be argued,” giit niya.
Patutsada pa niya, “Ang naisip ko lang, ano kaya ‘yong deskripsyon, halimbawa kung ‘Mary Grace Piattos’ ang pangalan niya, ano kaya ang katangian na dine-describe noon? Kasi kung ‘Mary Grace’ ‘yan, ibig sabihin masarap siguro siya. Kung ‘Piattos’ ‘yan, ibig sabihin malutong ‘yan. Puwede ‘di ba?”
Pagpapatuloy ng historyador, kung wala naman daw makikitang totoong tao sa likod ng alyas na “Mary Grace Piattos,” magiging malinaw umanong imbento lang ang nabanggit at kinasangkapan lang ito para sa posibleng pagtatago ng sarili ng isang indibidwal sa ginawa nitong kasamaan.
“Makikita natin na puwede ring ano naman, kung hindi maipakita itong taong ito ay imbentong pangalan nga. Ang alyas, puwede mo ring gamitin ‘yan na itago ang sarili mo sa ginagawa mong kasamaan,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit gumagamit ng alyas ang mga bayani noon?
KAUGNAY NA BALITA: Ambeth Ocampo, binasag kasaysayang naulila sa edad na 14 si Andres Bonifacio