Nagpahayag ang Liberal Party (LP) of the Philippines hinggil sa pinakawalang pagkukumpara ni Senator-judge Robin Padilla sa mga bayani sa kasaysayan ng Pilipinas na gumamit ng pseudonym o alyas, at sa mga recipients ng confidential funds sa ginanap na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Agosto 26.
MAKI-BALITA: Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani-Balita
Sa pahayag na inilabas ng LP sa kanilang Facebook page noon ding Miyerkules, iginiit nilang wala naman daw isyu sa mga bayaning gumamit ng alyas.
“Dear Mr. Padilla: For your reference, may mga alyas talaga ang mga bayani at mga lider ng ating kasaysayan. Jose Rizal: Dimasalang; Andres Bonifacio: Agapito Bagumbayan; Emilio Jacinto: Pingkian; Marcelo H. del Pilar: Plaridel; Antonio Luna: Taga-Ilog; Emilio Aguinaldo: Magdalo; Ninoy Aquino: Marcial Bonifacio,” saad ng LP.
Anila, “Walang issue sa pagkakaroon nila ng mga alyas. Marami sa kanila ay gumamit ng mga pseudonym habang nagsusulat, kumikilos, at nakikipaglaban para sa kalayaan at kasarinlan ng bayan.”
“Pero ang tanong lang: Nagtago ba sila sa kanilang mga alyas para makatanggap ng confidential funds? Ginamit ba nila ang kanilang mga alyas para pumirma sa acknowledgement receipts ng pondo ng bayan?” dagdag pa niya.
Anang LP, nakipaglaban para sa bayan ang mga bayaning gumamit ng alyas, hindi para magtago sa pananagutan.
“Ang mga bayani ay gumamit ng mga alyas habang nakikipaglaban para sa bayan. Hindi para magtago sa pananagutan. Iyan ang malaking pagkakaiba,” pagtatapos ng LP.
Sa hiwalay na pahayag, ipinagdiinan naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang mga bayani noon ay lumaban para sa bayan, habang ang ibang tao umano ngayon ay itinatago ang kanilang pagkakakilanlan para sa bayad.
“So, para sa kaalaman ng mga kabataan, kung ito ang pagkukumparahin natin, ang mga bayani noon ay lumalaban para sa bayan, itinatago ang pagkakakilanlan para sa bayan—pero ‘yong iba ngayon, itinatago ang pagkakakilanlan para sa bayad,” saad ni Usec. Castro sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Huwebes, Agosto 27.
MAKI-BALITA: Mga bayani noon lumalaban para sa bayan, ‘yong iba ngayon tinatago pagkakakilanlan para sa bayad—Malacañang-Balita
MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit gumagamit ng alyas ang mga bayani noon?-Balita