August 27, 2026

Home BALITA National

Mga bayani noon lumalaban para sa bayan, ‘yong iba ngayon tinatago pagkakakilanlan para sa bayad—Malacañang

Mga bayani noon lumalaban para sa bayan, ‘yong iba ngayon tinatago pagkakakilanlan para sa bayad—Malacañang
Photo courtesy: RTVM/YT


Tahasang inilahad ng Palasyo na ang mga bayani noon ay lumalaban para sa bayan, habang ang iba umano ngayon ay itinatago ang pagkakakilanlan para sa bayad.

Pinakawalan ng Malacañang ang pahayag na ito matapos matanong hinggil sa masasabi nito sa ginawang paghahambing ni Senator-judge Robin Padilla sa mga bayani sa kasaysayan na gumamit ng pseudonym o alyas, kumpara sa mga recipients ng confidential funds, sa ginanap na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte noong Miyerkules, Agosto 26.

MAKI-BALITA: Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani-Balita

Sa ikinasang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Agosto 27, idiniin ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang paliwanag at punto ng Malacañang hinggil dito.

“Ito po ay naging maliwanag naman at nakita ng karamihan, ng ating mga kababayan, kung paano ba nagtanong ang ating butihing Sen. Robinhood Padilla,” panimula ni Usec. Castro.

Aniya, “Ginamit niya ang mga pseudonym na ginamit ng ating mga bayani upang ang kanilang pagkakakilanlan ay hindi agad malaman dahil sa kanilang mga ginagawang mga pagsulat, upang ipagtanggol ang ating mga kababayan noong tayo ay nasasakop ng mga dayuhan.”

“Inihambing niya ito sa mga aliases na nagamit sa mga resibo na isinumite ng Office of the Vice President (OVP). Ikinumpara niya ang ating mga bayani sa tulad nila Mary Grace Piattos, Andy Lim, kay Pagong, Pusa, at Belat,” dagdag pa niya.

Anang press officer, totoo raw ang mga bayani noon kahit sila ay gumagamit ng pseudonym; hindi tulad sa mga pangalang nakasulat sa resibo na hindi tiyak kung totoong mga tao.

“Masasabi natin ang facts kung paano ba nagkaiba; hindi tayo huhusga at hayaan natin ang mga kababayan natin at ang mga senador ang siyang humusga dito. Pero, para bigyang kaalaman ang ating mga kabataan at ang ating mga kababayan. Unang-una, makikita po natin, ano ba ‘yong pagkakaiba ng mga bayani noon sa mga pangalan ng mga diumanong aliases dito sa mga resibo? Hindi naman nangangahulugan na isyu—ang sabi nga ng prosecution ay non-issue daw ang mga aliases; pero doon pa rin naman tumutungo ang katanungan,” anang press officer.

Giit niya, “Siguro ang mga bayani noon ay lumalaban para sa bayan nang walang bayad, pero ‘yong mga tumutulong na mga informant, informer sa kasalukuyan, mukhang hindi kikilos nang walang bayad. Ang mga bayani noon, kahit gumamit ng pseudonym, ay alam nating totoong tao. Sa ngayon, ang mga resibong naipakita hindi natin alam kung totoong tao, o sila ay multo, or mga ghost beneficiaries.”

“So, para sa kaalaman ng mga kabataan, kung ito ang pagkukumparahin natin, ang mga bayani noon ay lumalaban para sa bayan, itinatago ang pagkakakilanlan para sa bayan—pero ‘yong iba ngayon, itinatago ang pagkakakilanlan para sa bayad,” diin pa niya.

Natanong din si Usec. Castro patungkol naman sa mensahe ng Palasyo kay Sen. Padilla ukol sa ginawa nitong paghahambing o pagkukumpara sa mga nabanggit.

“Karapatan po niya kung ano po ang saloobin ni Sen. Robin Padilla, hindi po ito panghihimasukan ng administrasyon, hindi po ito panghihimasukan ng Palasyo,” aniya.

“Karapatan po niya kung ano ang nais niyang ipahiwatig, pero kinakailangan din po nating maipakita kung ano ba ang katotohanan para hindi rin po maligaw ang ating mga kabataan kung ano ba ang talagang naging papel ng ating mga bayani noon—gumagamit man ng pseudonym pero hindi para itago ang bayad,” pagtatapos ni Usec. Castro.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit gumagamit ng alyas ang mga bayani noon?-Balita