Pinaplano na umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Education (DepEd) ang pagtatalaga ng mga barangay tanod sa loob ng mga paaralan upang maiwasan ang mga karahasang posibleng maganap.
May kinalaman ang hakbang na ito sa mga naganap na school shooting incident sa ilang mga paaralan sa bansa, partikular sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) - Junior High School noong Martes, Agosto 18, 2026, at San Jose National High School sa Tacloban City noon namang Hunyo 22, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Opisyal na naganap sa AdZU school shooting incident batay sa PNP!
Matatandaang isang mag-aaral ang naitalang nasawi sa naturang school shooting incident sa Zamboanga City habang binaril mismo ng Child in Conflict with the Law (CICL) ang kaniyang sarili, at tatlong estudyante naman ang namatay sa pamamaril din ng dalawang menor-de-edad sa nabanggit na paaralan sa Tacloban City.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa naging pahayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Huwebes, Agosto 27, 2026, sinabi niya kay Akbayan Partylist Rep. Dadah Kiram Ismula na pinaplano umano nila ng DepEd ang pagbubuo ng memorandum circular na mag-uutos sa mga barangay tanod na makapasok sa loob ng mga paaralan.
“The first part is that the Department of Education and the DILG are entering a memorandum circular to allow barangay tanods inside the school buildings. They will be part of the security augmentation force to inspect the bags before they enter,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, regular naman daw iinspeksyunin ng mga kawani ng pulisya ang pagpasok at paglabas ng mga mag-aaral sa kanilang mga eskwelahan upang masigurado raw ang seguridad ng kabataan sa durasyon ng school hours.
“After that, the PNP is regularly scheduled in the ingress and egress of the students during school time,” ‘ika niya.
“They are required to be there so all schools are to be secured between ‘yong pasukan at ‘yong pauwian nila,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Napakahirap tanggapin!' Sen. Risa, nabahala sa pag-livestream pa ng gunner sa Zamboanga