Itinuturing umano ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na bagong laro para sa kaniya ang politika sakali man daw na mapagdesisyunan niyang tumakbo sa Halalan 2028.
Ayon kay Torre sa naging pagdalo niya sa “Saturday News Forum” ng Kamara nitong Sabado, Agosto 22, 2026, sinabi niyang nagtutuon daw muna siya sa gampanin niya sa MMDA dahil sobrang mapanghamon umano ang trabaho niya rito.
“Focus muna tayo sa trabaho natin sa MMDA. Sa ngayon naman, the job now is very-very challenging na hindi na ako nakakatingin nga sa kasunod na kabanata nitong career natin dito,” pagsisimula niya.
Nagpapasalamat naman si Torre hinggil sa pagkakasama ng kaniyang pangalan sa kamakailang lumabas na 2028 vice presidential survey ng Pulse Asia Research, Inc., nitong Hulyo 2026.
Giit niya, “Pero it’s a whole new different ball game for me. Considering na all my life, I’ve been in the executive and always performing the executive duties.”
Matatandaang ikapito ang pangalan ni Torre sa naturang survey at nanguna naman si Sen. Bong Go, pumangalawa si Sen. Robin Padilla, habang sumunod naman sina Sen. Bam Aquino, dating Sen. Grace Poe, Sen. Erwin Tulfo, at Sen. Kiko Pangilinan.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla nangunguna sa VP preference survey—Pulse Asia
Pagpapatuloy ni Torre, pag-aaralan daw muna niya kung mayroon siyang sapat na resources at interes bago magdesisyong tumakbo sa 2028.
“Tingnan natin, pag-aralan natin kung kakayanin natin ang mga ganiyang mga shift at kung meron ba tayong knock for it, or the resources for it, or we have the interest for it,” ‘ika niya.
“I’ll just cross the bridge when we are there,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, ibinida nalinis na ilog sa Redemptorist
KAUGNAY NA BALITA: Torre sa dagat ng basura: ‘Di ito kayang solusyunan ng MMDA’