Ipinagdiinan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala umano siyang sinisising mga guro, ngunit isa lamang paalala ang mga pinakawalan niyang pahayag tungkol sa mga ito, sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Agosto 19.
Matatandaang sinabi ni Usec. Castro sa ginanap na press briefing ng PCO noong Martes, Agosto 18, na ang ibang mga guro daw ay ang umano’y nagtuturo sa kanilang mga estudyante na maging walang modo.
“Minsan na po nating nakita, mismo ang ibang mga guro ay lumalabag sa ganitong klase ng moralidad. Sila minsan ay ang nagtuturo sa kanilang mga estudyante kung papaano maging walang modo—lalong-lalo na sa mga nakakatanda o sa mga ibang tao. Panahon na po, hindi lamang po ang gobyerno, lahat po tayo especially ‘pag nasa school, kayo po ang magsilbing pangalawang guro sa ating mga kabataan,” ani Usec. Castro.
MAKI-BALITA: Usec Castro, binanggit na mismong ilang mga guro nagtuturo sa estudyante maging 'walang modo'-Balita
Dahil dito, nag-react ang ilang grupo, kabilang na ang ACT Teachers Party-list kaugnay sa mga pahayag ng press officer.
“Malacañang is pointing fingers yet again, shifting the blame for the country’s culture of violence onto teachers and accusing us of failing to instill good manners among learners," saad ng ACT Teachers Party-list.
MAKI-BALITA: ‘Malacañang is pointing fingers!' ACT Teachers party-list, umalma sa pahayag ni Usec. Castro laban sa mga guro-Balita
Matapos ang mga ito, nilinaw naman ni Usec. Castro ang kaniyang mga tinuran.
“Gusto lang po natin ipaliwanag at mukhang nagkakaroon po ng misconception, misinterpretation, misunderstanding sa ating nabanggit kahapon,” panimula ni Usec. Castro.
Aniya, “Unang-una ay wala po tayong sinisisi na mga guro, ito ay pagpapaalala sa ating mga kagalang-galang na mga guro kung ano po ang kanilang malaking role bilang tagahubog ng magandang kaugalian, lalong-lalo na sa mga kabataan.”
“Ang atin pong sinabi ay ito po: ‘Dapat na ang mga kabataan natin ay nagagabayan, hindi lamang ng kanilang mga magulang kundi sa kanila mismong paaralan,’ tama naman po ‘yon at wala itong pagsisinungaling. At ito rin po ang ating nabanggit: ‘Minsan na pong nakita mismo ang ibang guro ay lumalabag sa ganitong klase ng moralidad. Sila minsan ay nagtuturo sa kanilang mga estudyante kung paano maging walang modo, lalong-lalo na sa mga nakakatanda o sa ibang tao.’ So, kung sila man ay mayroong naramdaman na galit dahil sa ating tinuran, muli, gusto lang natin ipakita dahil baka hindi alam ng ating mga guro ‘yong ibang nangyayari sa mga ginagawa ng ibang guro,” dagdag pa niya.
Ibinunyag din niya ang aniya’y pinagmulan ng kaniyang mga naging pahayag ukol sa mga kaguruan.
“So, nais ko pong ipaliwanag kung saan po ito nagmula, para hindi po sila maiba ang kanilang pananaw sa ating sinabi. Dahil gusto ko rin po namang mapatunayan na itong ating sinabi ay naaayon din po sa mga naimbestigahan,” aniya.
Sa pagpapaliwanag ng press officer, ipinakita niya ang ilan sa mga aniya’y nakita nilang may kaugnayan sa insidente.
Ipinakita niya ang kopya ng isang printed screenshot mula sa isang social media post kung saan mapapanood ang aniya’y pagsasalita ng mga estudyante mula sa Davao City kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Paglalarawan niya, mahirap umanong banggitin at hindi katanggap-tanggap ang mga salitang namutawi sa mga mag-aaral.
Aniya pa, nakipag-ugnayan siya kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara patungkol sa nabanggit na isyu.
Noong una, dineny daw ng pamunuan ang insidente—ngunit napag-alaman din daw kalaunan ang katotohanan matapos ang isang malalimang imbestigasyon.
KAUGNAY NA BALITA: DepEd Davao City, nag-sorry sa inasal ng mga estudyante nila laban kay PBBM!-Balita
Sa hiwalay na kopya, ipinakita rin ni Usec. Castro ang tila isang gurong nagtuturo sa mga estudyante ng paglalarawan sa Pangulo—na aniya’y mapang-insulto.
Hindi na binanggit ng press officer kung sino ang guro at kung saan ito nanggaling, bilang kaniyang pagrespeto.
Napag-alamang verified ang video at umamin ang guro sa kaniyang ginawa, base sa paliwanag ni Usec. Castro.
Nanghingi rin daw ito ng paumanhin, ngunit mayroong administrative case laban sa nabanggit na guro.
Dahil daw dito, naglabas ang DepEd noong Martes, Agosto 11, 2026 ng isang “reminder on responsible use of social media by all DepEd personnel.”
“So, nauunawaan po natin kung saan po nanggagaling ang ating mga guro, pero huwag po nila sanang masamain kung atin lamang nire-remind at pinapaalalahanan na muli, na napakalaki po ng inyong role bilang pangalawang magulang sa ating mga kabataan; at hindi ko po kailanman hindi bibigyang-galang ang mga guro, dahil ang aking ina, hindi pa po ako pinapanganak, ay isang public school teacher sa Malolos Marcelo H. Del Pilar High School. Hanggang siya ay namayapa, nanatili po siyang guro,” anang press officer.
“So muli, nais lamang po natin ipakita sa mga guro na hindi po kayo lahat, hindi po kayo sinisisi. Ito ay pagpapaalala,” giit pa ni Usec. Castro.