Humingi ng paumanhin ang Department of Education (DepEd) Schools Division of Davao City kaugnay ng ipinakitang "inappropriate behavior" ng ilang mag-aaral sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa lungsod noong Hulyo 28, 2026.
Sa viral video, mapapanood at maririnig na minumura ng ilang mga estudyante ang dumalaw na Pangulo.
Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng DepEd Davao City na ikinalulungkot nito ang hindi naaangkop na asal ng ilang estudyante sa naturang pagbisita ng Pangulo at iginiit na hindi nito sinasalamin ang mga pagpapahalagang itinataguyod ng kanilang mga paaralan.
"The Schools Division of Davao City sincerely apologizes for the inappropriate behavior displayed by several learners during the visit of President Ferdinand R. Marcos Jr. on July 28, 2026," mababasa sa kanilang post noong Martes, Agosto 4.
"We deeply regret the incident and assure the public that such conduct is not tolerated and does not reflect the values of respect, discipline, and responsibility that our schools uphold."
Ayon sa DepEd, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng kinauukulang paaralan at ang School Child Protection Committee noong Hulyo 30, matapos nilang malaman ang insidente.
Sa isinagawang imbestigasyon, apat na mag-aaral ang natukoy na sangkot, at ipinatawag ang kanilang mga magulang o guardian upang dumalo sa mandatory conference bilang bahagi ng due process.
Ipinaliwanag ng Schools Division na alinsunod sa DepEd Order No. 006, s. 2026 at umiiral na mga polisiya ng paaralan, isinasailalim na ang mga naturang mag-aaral sa kaukulang disciplinary measures, guidance and counseling, at values formation activities.
Nakatuon umano ang mga intervention sa pagpapalakas ng responsableng pag-uugali, digital citizenship, at paggalang sa kapwa.
Binigyang-diin din ng DepEd Davao City ang patuloy nitong pangako na mapanatili ang ligtas, maayos, at nakasentro sa wastong pagpapahalaga na kapaligiran sa mga paaralan.
"The Schools Division of Davao City remains committed to fostering a safe, respectful, and values-centered learning environment. We will continue to work closely with parents and the community to reinforce positive behavior and uphold the highest standards of student conduct."
Nagpasalamat din ang DepEd Davao City sa publiko sa kanilang pag-unawa at patuloy na suporta habang isinasagawa ang mga nararapat na hakbang upang matiyak na hindi na mauulit ang katulad na insidente.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo tungkol sa opisyal na pahayag ng DepEd Davao City.