August 19, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro, 'di kailanman 'di bibigyang-galang mga guro dahil sa inang ex-public school teacher

Usec. Castro, 'di kailanman 'di bibigyang-galang mga guro dahil sa inang ex-public school teacher
Photo courtesy: RTVM/YT


Mariing iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Agosto 19, na hindi niya raw kailanman hindi bibigyang-respeto ang mga kaguruan dahil sa kaniyang ina na dati ay isang public school teacher.

Ipinahayag ito ni Usec. Castro matapos siyang buweltahan ng ibang grupo matapos niyang sabihing ang ibang mga guro daw ang siyang nagtuturo umano sa ibang mga kabataang maging walang modo.

“Minsan na po nating nakita, mismo ang ibang mga guro ay lumalabag sa ganitong klase ng moralidad. Sila minsan ay ang nagtuturo sa kanilang mga estudyante kung papaano maging walang modo—lalong-lalo na sa mga nakakatanda o sa mga ibang tao. Panahon na po, hindi lamang po ang gobyerno, lahat po tayo especially ‘pag nasa school, kayo po ang magsilbing pangalawang guro sa ating mga kabataan,” ani Usec. Castro sa press briefing ng PCO noong Martes, Agosto 18.

MAKI-BALITA: Usec Castro, binanggit na mismong ilang mga guro nagtuturo sa estudyante maging 'walang modo'-Balita

Ayon sa kaniya, naiintindihan niya ang mga kaguruan kaugnay sa kaniyang mga sinabi.

“Nauunawaan po natin kung saan po nanggagaling ang ating mga guro, pero huwag po nila sanang masamain kung atin lamang nire-remind at pinapaalalahanan na muli, na napakalaki po ng inyong role bilang pangalawang magulang sa ating mga kabataan,” saad ni Usec. Castro.

Aniya, “At hindi ko po kailanman hindi bibigyang-galang ang mga guro, dahil ang aking ina, hindi pa po ako pinapanganak, ay isang public school teacher sa Malolos Marcelo H. Del Pilar High School. Hanggang siya ay namayapa, nanatili po siyang guro.”

“So muli, nais lamang po natin ipakita sa mga guro na hindi po kayo lahat, hindi po kayo sinisisi. Ito ay pagpapaalala,” dagdag pa niya.

Anang press officer sa mga guro, kung mayroon silang makikitang mga guro na lumalabag sa alituntunin, ay sila na rin ang tumulong sa pamahalaan.

“Sa ganito po, nais po nating sabihin sa ating mga guro, napakalaki po ng inyong mga katungkulan para sa paghubog ng magandang kaugalian, magandang asal, o magandang attitude sa ating mga kabataan,” anang press officer.

Nagpahayag din si Usec. Castro sa ACT Teachers Party-list, matapos itong magsalita ukol sa tinuran niya sa mga guro.

“Hindi po ito paninisi. Sana ilagay po natin sa tamang konteksto ang aking sinabi. Hindi ito pag-atake sa mga guro,” sagot pa niya.

MAKI-BALITA: ‘Malacañang is pointing fingers!' ACT Teachers party-list, umalma sa pahayag ni Usec. Castro laban sa mga guro-Balita

Diin pa niya, malamang ay nagkaroon lang daw ng misinterpretation hinggil sa nasabing isyu.

“Muli, ang mga teachers po, iginagalang po natin ‘yan. Malamang ay nagkaroon lamang po ng misinterpretation dahil ‘yong nagpalabas ng opinyon ay mali rin po agad, na sinabi na sinisisi po natin ang mga guro,” aniya.

Giit pa niya, “Hindi po kailanman natin sisisihin ang mga guro. Ito ay isang paalala lamang.”

“Mga guro, kayo po ay iginagalang at binibigyang-respeto—lalong-lalo na ng Pangulo, at ng administrasyong ito,” pagtatapos ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: Usec. Castro walang sinisising guro: ‘Ito ay pagpapaalala'