Iginiit ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na dapat umanong humingi ng tawad at bawiin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang kaniyang mga naging pahayag kaugnay sa mga aniya’y ibang mga guro na umano’y nagtuturo sa mga estudyante na maging walang modo.
Pinakawalan ni Usec. Castro ang pahayag nang matanong ukol sa naganap na shooting incident sa junior high school campus ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU) sa Barangay Tumaga noong Martes, Agosto 18, kung saan sangkot ang isa umanong Grade 7 student.
MAKI-BALITA: Usec Castro, binanggit na mismong ilang mga guro nagtuturo sa estudyante maging 'walang modo'-Balita
Sa pahayag na ibinahagi ni Rep. Tinio nitong Miyerkules, Agosto 19, na mababasa sa Facebook page ng ACT Teachers Party-list, sinabi niyang hindi katanggap-tanggap at wala sa lugar ang aniya’y paninisi ng press officer.
“Dapat bawiin ni Usec. Claire Castro at humingi siya ng paumanhin sa lahat ng guro sa di-katanggap-tanggap at wala sa lugar na paninisi niya sa mga guro para pagtakpan ang kabiguan ng Marcos Jr administration na pangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at empleyado sa mga paaralan,” saad ni Rep. Tinio.
Aniya, “She disrespects the hard work and dedication of teachers who fulfill their mission of educating and molding students day in and day out, often going above and beyond their call of duty despite inadequate pay, systemic neglect, and insufficient government support.”
“Her comments were unwarranted, gratuitous, and illogical - inexplicably lashing out at teachers when asked about the school shooting incident in Zamboanga. The alarming rise in such incidents is a complex issue involving [insufficient] school funding, lack of access to mental health services, and lax gun control, for which teachers must not be used as scapegoats. Huwag ibintang sa teachers ang mga kakulangan ng gubyerno," dagdag pa niya.
Diin pa ng kongresista, mukhang may pinanggagalingan ang mga pahayag ni Usec. Castro.
“Tila may ibang pinanggagalingan ang banat niya sa mga guro. Dapat isantabi ang bagahe, huwag gawing punching bag ang mga guro, at huwag isingit sa sensitibong topic ng school violence,” anang kongresista.
“To the Presidential Spokesperson: irespeto mo ang mga pangalawang magulang ng ating mga anak. Mag-sorry ka sa kanila,” pagtatapos ni Rep. Tinio.
Paliwanag naman ni Usec. Castro, isa lamang itong paalala at hindi paninisi sa mga kaguruan.
Aniya sa press briefing ng PCO nito ring Miyerkules, “Unang-una ay wala po tayong sinisisi na mga guro, ito ay pagpapaalala sa ating mga kagalang-galang na mga guro kung ano po ang kanilang malaking role bilang tagahubog ng magandang kaugalian, lalong-lalo na sa mga kabataan.”
MAKI-BALITA: Usec. Castro walang sinisising guro: ‘Ito ay pagpapaalala'-Balita
Giit pa niya, hindi niya kailanman hindi bibigyang-galang ang mga guro, sapagkat ang kaniyang ina ay dati ring public school teacher.
“Hindi ko po kailanman hindi bibigyang-galang ang mga guro, dahil ang aking ina, hindi pa po ako pinapanganak, ay isang public school teacher sa Malolos Marcelo H. Del Pilar High School. Hanggang siya ay namayapa, nanatili po siyang guro,” ani Usec. Castro sa parehong press briefing.
MAKI-BALITA: Usec. Castro, 'di kailanman 'di bibigyang-galang mga guro dahil sa inang ex-public school teacher