August 19, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin, ipinababalik din kautusang nagbawal sa Voltes V noon!

Sen. Robin, ipinababalik din kautusang nagbawal sa Voltes V noon!
Photo courtesy: Robin Padilla (FB)

Umapela si Sen. Robin Padilla na ibalik ang kautusang nakapagbawal ng mararahas umanong mga palabas sa telebisyon noong panahon ng batas-militar, partikular sa Japanese anime series na “Voltes V.” 

Kasunod ito nang tila matuwa si Padilla sa naging “pagkumpirma” umano ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa Republic Act No. 8294 o kilala rin sa impormal na tawag na “Robin Padilla Law,” na nakapag-amyenda sa Presidential Decree No. 1866, umano ang sanhi ng pagtaas ng mga krimeng may kaugnayan sa loose firearms dahil naging bailable offense ito.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Padilla, pinasalamatan si SILG Remulla sa ‘pagkumpirma’ ng Robin Padilla Law!

Sa Facebook post ni Padilla nitong Miyerkules, Agosto 19, 2026, humiling siyang ibalik na rin daw ang naging hakbang ng “idolo” niyang si dating Pangulong Ferdinand “Apo Lakay” Marcos Sr. upang sugpuin daw ang mga palabas na nagpapakita ng karahasan sa mga telebisyon noon. 

Ani Padilla, maikukumpara ito sa mga nakikita at napapanood umano sa kasalukuyan sa mga Free TV, social media, internet, at iba pang source of entertainment sa online. 

National

KWF, niratrat ng ilang manunulat matapos parangalan mga sarili!

Pagtutukoy pa niya, ito raw ang Interim Board of Censors for Motion Pictures (IBCMP) Memorandum-Circular No. 13-79 noong Agosto 27, 1979, na mabilis na nagbawal sa Voltes V at iba pang mga palabas sa telebisyon. 

“Sa pamamagitan ng Interim Board of Censors for Motion Pictures (IBCMP) Memorandum-Circular No. 13-79 na ipinalabas noong Agosto 27, 1979, ipinag-utos ang agarang pagbabawal sa Voltes V at sa 14 iba pang palabas sa telebisyon na may temang robot,” aniya. 

“Opisyal na binanggit sa sirkular ang ‘nakasasamang epekto sa mga bata’ at ang ‘mala-digmaang’ katangian ng mga palabas na ito,” paliwanag pa niya. 

Pagpapatuloy ni Padilla, naniniwala raw siya na seryoso si Remulla na masugpo ang mararahas na krimen sa bansa kaya raw iminumungkahi niya ang muling pagbubuhay ng “kamay na bakal” umano ni Apo Lakay. 

“Naniniwala ako na seryoso ang ating SILG Jonvic Remulla sa kanyang kampanya laban sa krimen, at ang isang paraan upang magtagumpay ito ay ang muling pagbuhay sa ‘kamay na bakal’ ng aking idolo na si Apo Lakay Ferdinand Edralin Marcos Sr.,” pagtatapos ng senador. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang mga kinauukulan kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Pagtaas ng krimen sa loose firearms, sanhi ng Robin Padilla Law—SILG Remulla

KAUGNAY NA BALITA: 'Reckless imprudence lang!' SILG Remulla, binatikos mababaw na parusa sa mga magulang na pabaya sa baril